KALABOSO ang isang 20-anyos na culinary graduate matapos umanong magbanta online na magsagawa ng school shooting sa isang pribadong unibersidad sa Cebu City.
Ayon sa pulisya, nag-post ang suspek na kinilala sa alyas na “Clarence” ng umano’y banta sa kanyang TikTok livestream habang mainit ang usapin sa mga nagdaang insidente ng pamamaril sa mga paaralan sa bansa.
Sa comment section ng livestream, lumitaw umano ang mensaheng, “Mag School Shooting ko ara ugma,” na nangangahulugang magsasagawa siya ng school shooting kinabukasan.
Napansin ito ng isang estudyante ng unibersidad na tinukoy sa banta at agad na ipinagbigay-alam sa mga awtoridad.
Nakipag-ugnayan ang estudyante sa Parian Police Station at PNP Anti-Cybercrime Unit upang matukoy ang nasa likod ng banta.
Mabilis namang kumilos ang mga pulis at natunton ang suspek sa Purok Mangga, Barangay Altavista, Poro, Camotes Island.
Dito siya inaresto makalipas ang halos dalawang araw mula nang isagawa ang naturang livestream.
Sinabi ng pulisya na residente ng Barangay Tabok, Mandaue City ang suspek.
Naging mas sensitibo ang naturang banta dahil kasunod ito ng mga school shooting incident sa bansa, kabilang ang pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kaukulang reklamo sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act of 2012 dahil sa umano’y pagbabanta na ginawa sa social media.
Patuloy namang sinusuri ng mga awtoridad ang online activity ng suspek upang malaman kung may iba pa itong ipinadalang banta.
