DALAWA sa tatlong itinuturong suspek sa karumal-dumal na pagpatay sa mag-asawang senior citizen at kanilang 4-anyos na apo sa Indang, Cavite ang nadakip ng pulisya.
Nasakote sina alyas Alexis, 25, at alyas Kulot, 36, matapos ang isinagawang hot pursuit operation ng mga tauhan ng Indang Police Station.
Kapwa nahaharap sa kasong multiple murder ang dalawang suspek, habang patuloy namang tinutugis ng mga awtoridad ang isa pa nilang kasamahan.
Ayon kay Cavite police director Col. Ariel Red, positibong kinilala ng isang saksi si alyas Alexis bilang isa sa mga umatake sa pamilya.
Nadakip si Alexis, isang magsasaka, sa follow-up operation sa Trece Martires City, Cavite, isang araw matapos ang madugong insidente.
Sinisilip naman ng mga imbestigador ang matagal nang alitan at mainitang pagtatalo sa pagitan ng mga suspek at mga biktima kaugnay ng ingay mula sa karaoke sa isang birthday celebration bilang posibleng motibo sa krimen.
Batay sa imbestigasyon, pinagbabaril ng mga armadong lalaki ang bahay ng pamilya noong Martes ng gabi sa Sitio Buho, Barangay Daine 1, Indang.
Isinugod sa ospital ang mag-asawang edad 63 at 62 at kanilang apo, ngunit idineklarang dead on arrival.
Pitong tama ng bala ang tinamo ng lolo, apat sa kanyang asawa, habang dalawang bala naman ang tumama sa 4-anyos na bata, kabilang ang tama sa bandang ulo.
Nabatid din na may dati nang kasong carnapping sa Naic, Cavite si Alexis at nakalaya noong Marso 2, 2017.
Patuloy ang operasyon ng pulisya para matunton at maaresto ang ikatlong suspek.
