SUSPENDIDO muna ngayong Martes, Setyembre 1, ang ilang biyahe ng mga pampasaherong bus dahil sa matinding trapiko at pagbaha sa bahagi ng San Simon, Pampanga, sa North Luzon Expressway (NLEX).
Kabilang sa mga kanseladong ruta ang mga biyaheng patungong Olongapo, Pampanga, Mariveles, Balanga, Bataan at Clark Airport.
Ayon sa abisong inilabas sa isang bus terminal, napilitan ang mga operator na kanselahin ang mga biyahe dahil sa mabagal na daloy ng trapiko at mataas na tubig-baha sa San Simon na nakaaapekto sa normal na pagdaan ng mga bus.
Dahil dito, pinapayuhan ang mga pasaherong may planong bumiyahe sa mga nabanggit na destinasyon na ipagpaliban muna ang kanilang pag-alis kung hindi naman kinakailangan.
Pinapayuhan din ang mga biyahero na makipag-ugnayan muna sa kanilang bus operator o terminal upang malaman kung may pagbabago sa iskedyul o kung maaari nang ituloy ang biyahe.
Hinihikayat ang publiko na maglaan ng dagdag na oras sa paglalakbay at patuloy na subaybayan ang mga opisyal na ulat hinggil sa lagay ng panahon, trapiko at kondisyon ng mga kalsada.
Paalala: Huwag ipilit ang biyahe kung delikado ang ruta. Mas mabuting maantala ang paglalakbay kaysa malagay sa panganib ang buhay at kaligtasan ng mga pasahero.
