NAGLATAG na ng plano ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para maiwasang ma-stranded ang mga motorista at commuter sa susunod na malalaking aberya sa mga expressway, kasunod ng matinding pagbaha sa bahagi ng NLEX sa San Simon, Pampanga.
Sa direktiba ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, inatasan ang mga regional office ng LTFRB na makipag-ugnayan sa mga expressway operator upang matiyak ang mabilis na pagpapakalat ng impormasyon tungkol sa kondisyon ng mga pangunahing lansangan.
Inatasan din ang mga Regional Franchising and Regulatory Office (RFRO) na makipagtulungan sa mga local government unit (LGU) sa pagtukoy ng alternatibong ruta sakaling hindi madaanan ang expressway dahil sa baha, aksidente o iba pang emergency.
Ayon kay Acting LTFRB Chairman Atty. Greg G. Pua Jr., dalawang pangunahing hakbang ang tututukan ng ahensya—mas mabilis na information dissemination at maagang pagtukoy ng alternatibong daan.
Layunin nitong matulungan ang mga commuter, motorista, transport operator at trucker na makapagplano ng biyahe at makaiwas sa matinding trapiko kapag may biglaang insidente sa expressway.
“Ang insidente na nangyari sa NLEX ay isang wake-up call sa LTFRB at iba pang ahensya upang makagawa ng mga hakbang na higit na makatutulong sa publiko,” ayon kay Pua.
Sinabi rin ni Pua na malaking tulong ang digital technology at social media upang agad na maipaalam sa publiko ang kondisyon ng mga expressway at mabigyan ng pagkakataong umiwas sa mga lugar na may problema.
Lumabas umano sa mga diskusyon sa social media na isa sa naging problema noong maapektuhan ng baha ang NLEX San Simon ay ang kakulangan ng malinaw na impormasyon tungkol sa mga maaaring gamiting alternatibong ruta.
Dahil dito, palalakasin ng LTFRB ang koordinasyon nito sa mga LGU at iba pang concerned government agencies upang matukoy at maipaalam ang mga posibleng diversion route.
Sakop ng direktiba ang mga lugar na kinaroroonan ng TPLEX, SCTEX, NLEX, SLEX, STAR Tollway, CALAX at MCX, kabilang ang Region 1, Region 3, Metro Manila at Region 4-A.
Inatasan din ang mga RFRO na palakasin ang ugnayan sa mga transport at trucker companies upang matiyak ang pinakamalawak at pinakamabilis na pagpapakalat ng impormasyon tuwing may biglaang road emergency.
