NAGLABAS ng kabuuang P360,000 na piyansa si Vice President Sara Duterte matapos siyang humarap sa Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 98 noong Sabado kaugnay ng tatlong bilang ng grave threats.
Itinakda ng korte sa P120,000 bawat kaso ang piyansa matapos nitong makita ang probable cause para iharap sa paglilitis ang bise presidente.
Personal na nagtungo si Duterte sa korte matapos maglabas ng warrant of arrest laban sa kanya ang Branch 98 noong Biyernes.
Matapos ang kanyang pagharap at pagbayad ng piyansa, na-lift ang warrant of arrest laban sa bise presidente.
Ngunit bago siya pumasok sa korte, nagpahayag si Duterte ng pangamba sa dami ng pulis na nakatalaga sa paligid ng gusali.
Hiniling niya sa mga mamamahayag na samahan siya sa paglabas ng korte at pagsakay sa kanyang sasakyan dahil aniya, hindi siya komportable sa presensya ng mga pulis.
“I do not feel safe with all these police personnel,” ani Duterte.
Sinabi rin niya na matagal na umano siyang minamanmanan at sinusundan ng mga awtoridad, kabilang ang mga insidenteng sinimulan pa noong 2023.
Ipinahayag din ng bise presidente ang kanyang pagkadismaya sa mga institusyon ng pamahalaan.
“Wala na akong tiwala kahit kanino maliban sa taong bayan,” ani Duterte nang tanungin tungkol sa kanyang pananaw sa justice system at sa susunod niyang hakbang.
Nagpasalamat din siya sa media sa patuloy na pagdodokumento sa kanyang mga kilos at paglalantad sa publiko ng kanyang panig.
Ang kaso ay nag-ugat sa isang online press conference noong Nobyembre 2024 kung saan sinabi ni Duterte na mayroon siyang nakausap na tao upang ipapatay sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos at noo’y House Speaker Martin Romualdez sakaling siya ay mapatay.
Mariin namang itinanggi ni Duterte na aktuwal na banta ang kanyang pahayag.
Noong Setyembre 4, inilabas ng QC RTC Branch 98 ang warrant matapos tanggihan ang mosyon ng kanyang kampo na ipagpaliban o bawiin ito at ipawalang-bisa ang mga impormasyon laban sa kanya.
Ayon sa kanyang abogado, walang intensiyon ang bise presidente na takasan ang proseso ng batas at gagamitin niya ang lahat ng legal na remedyo upang depensahan ang kanyang sarili.
Samantala, matapos ang pagharap ni Duterte sa korte at pag-post ng piyansa, maaari na siyang manatiling malaya habang nagpapatuloy ang paglilitis sa kaso.
