MAHIGIT 583,000 military at uniformed personnel (MUPs) ang makatatanggap ng 5% dagdag sa basic pay sa 2027, bukod pa sa P350 arawang subsistence allowance, ayon sa panukalang 2027 national budget ng administrasyong Marcos.
Sinabi ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Kim Robert C. De Leon na kasama sa susunod na salary adjustment ang mga sundalo at pulis bilang bahagi ng second tranche ng salary increase sa ilalim ng Executive Order No. 107.
Magkakabisa ang bagong salary adjustment sa Enero 1, 2027.
Sa ilalim ng panukalang budget, nangangailangan ng P74.92 bilyon para sa adjusted base pay ng Armed Forces of the Philippines (AFP), habang P100.55 bilyon naman ang nakalaan para sa Philippine National Police (PNP).
P73.67-B PARA SA ALLOWANCE
Hindi lang sahod ang madadagdagan sa mga naka-uniporme.
Magpapatuloy rin ang P350 kada araw na subsistence allowance, higit doble sa dating P150 kada araw.
Para sa 2027, naglaan ang pamahalaan ng P73.67 bilyon para sa subsistence allowance ng mahigit 583,000 MUPs.
Sa AFP lamang, nasa P30.71 bilyon ang nakalaan para sa humigit-kumulang 246,844 personnel.
AFP BUDGET, UMANGAT SA P316.7-B
Samantala, iminungkahing P316.71 bilyon ang budget ng AFP sa 2027—6.85% na mas mataas kumpara sa pondo nito ngayong taon.
Tumaas din sa P50 bilyon ang pondo para sa Revised AFP Modernization Program, mula sa P40 bilyon ngayong 2026.
Ayon kay De Leon, kailangan ang dagdag na pondo upang ipagpatuloy ang mga proyekto para mapalakas ang kagamitan at kakayahan ng AFP sa pagharap sa lumalaking hamon sa seguridad.
Dagdag pondo rin ang inilaan para sa Personnel Services, Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) at capital outlays ng militar.
PNP, DAGDAG 2,000 TAUHAN
Samantala, makatatanggap ang PNP ng panukalang P242.53-bilyong budget sa 2027, mula sa P226.55 bilyon ngayong taon.
Nasa P210.55 bilyon dito ang para sa Personnel Services, kabilang ang P100.55 bilyon para sa adjusted base pay at P28.67 bilyon para sa P350 daily subsistence allowance ng 224,421 pulis.
May P697.18 milyon ding inilaan para sa pagkuha ng 2,000 karagdagang patrolmen at patrolwomen sa buong bansa.
May P2.186 bilyon naman para punan ang mga bakanteng uniformed positions sa PNP.
BENEPISYO PARA SA PULIS AT PAMILYA
Bukod sa sahod at allowance, may inilaan ding pondo para sa kapakanan ng mga pulis at kanilang pamilya.
Nasa P1.74 bilyon ang panukalang rice subsidy, habang P280.67 milyon ang para sa hospitalization at healthcare ng PNP personnel at kanilang dependents.
May P125.11 milyon din para sa Bantay Kaisipan Health Program.
Para naman sa kagamitan, naglaan ang pamahalaan ng P2 bilyon para sa PNP Capability Enhancement Program na gagamitin sa mobility, communications, firepower at anti-terrorism equipment.
May P3.12 bilyon din para sa information and communications technology at P1.499 bilyon para sa mga infrastructure project.
Ayon kay De Leon, tataas din ng 10% ang MOOE ng PNP—mula P23 bilyon ngayong taon tungo sa P25.7 bilyon sa 2027.
Layunin ng administrasyon na sabayan ang pagpapabuti ng kapakanan ng mga naka-uniporme at pagpapalakas ng kanilang kagamitan at operasyon upang mas maging handa ang mga sundalo at pulis sa pagtatanggol sa bansa at pagpapanatili ng seguridad.
