NAIS ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na mailipat sa PNP General Hospital sa Camp Crame ang dating House Speaker na si Ferdinand Martin Romualdez habang nasa kustodiya ng pamahalaan kaugnay ng kasong plunder.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla nitong Martes, maghahain ang PNP-CIDG ng mosyon sa korte para ilipat si Romualdez mula sa Cardinal Santos Medical Center patungo sa PNP hospital.
Sinabi ni Remulla na may kakayahan ang PNP General Hospital na tugunan ang kondisyon ni Romualdez. Maaari rin umanong ipagpatuloy ng kanyang mga pribadong doktor ang pagbibigay ng kinakailangang gamutan, depende sa magiging desisyon ng korte.
“Kaya naman namin sa Crame ’yan,” pahayag ni Remulla, habang nilinaw na korte pa rin ang magpapasya kung papayagan ang paglilipat.
Naaresto si Romualdez matapos maihatid ang warrant of arrest sa kanya nitong Lunes habang naka-confine sa Cardinal Santos Medical Center. Ang warrant ay kaugnay ng kasong plunder na isinampa laban sa kanya.
Humiling naman ang kampo ni Romualdez sa Sandiganbayan na manatili muna siya sa pribadong ospital hanggang sa ideklara siyang medically fit para mailipat sa detention facility.
Giit ni Remulla, kailangang ipatupad ang batas habang pinoprotektahan ang karapatan ni Romualdez bilang person deprived of liberty (PDL) at tinitiyak na natutugunan ang kanyang kalagayan.
Ayon sa DILG chief, nakipag-ugnayan na ang mga doktor ng PNP sa attending physicians ni Romualdez at napag-alamang hindi pa umano siya stable dahil sa cardiovascular condition. Dahil dito, hindi pa siya maaring humarap sa korte o ilipat sa regular na kulungan.
Samantala, tiniyak ni Remulla na nasa kustodiya pa rin ng pamahalaan si Romualdez at mahigpit na binabantayan sa ospital.
Dalawang armadong guwardiya ang nakatalaga 24/7 sa labas ng kanyang kuwarto, habang may iba pang armed personnel sa lobby at mobile patrol na nakapuwesto sa labas ng ospital.
Binigyang-diin ni Remulla na susundin ng pamahalaan ang proseso ng korte at mga kinakailangang medical assessment habang tinitiyak na naipatutupad ang warrant of arrest.
Kasabay nito, naglabas din ng warrant of arrest laban kina dating kinatawan Zaldy Co at dalawa pang akusado kaugnay ng P7.44-bilyong plunder case.
