IPINATUPAD na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang bagong pasahe sa mga pampublikong sasakyan (PUV) simula Lunes, Setyembre 28, kabilang ang traditional at modern jeepney, city at provincial bus, point-to-point (P2P) bus, Transport Network Vehicle Service (TNVS), at airport taxi.
Inilabas ng LTFRB sa website nito ang updated fare matrices para sa mga apektadong uri ng pampublikong transportasyon.
Para sa traditional jeepney, naging P14 mula P13 ang minimum fare para sa unang apat na kilometro, habang P2 ang dagdag sa bawat susunod na kilometro.
Sa modern jeepney, tumaas naman sa P17 mula P15 ang base fare, habang P2.40 ang karagdagang singil sa bawat susunod na kilometro.
Sa city bus, itinakda sa P15 mula P13 ang pasahe ng ordinaryong bus para sa unang limang kilometro, habang tumaas sa P2.49 mula P2.25 ang singil sa bawat succeeding kilometer.
Para sa air-conditioned city bus, naging P18 mula P15 ang pasahe sa unang limang kilometro, habang P2.98 mula P2.65 ang singil sa bawat susunod na kilometro.
Tumaas din ang pasahe sa provincial buses. Para sa ordinary provincial bus, naging P12 mula P11 ang fare sa unang limang kilometro, habang P2.20 mula P1.90 ang singil sa bawat susunod na kilometro.
Sa iba pang provincial buses, tumaas sa P2.45 mula P2.10 ang succeeding kilometer rate ng air-conditioned bus; P2.60 mula P2.25 para sa deluxe; P2.70 mula P2.35 para sa super deluxe; at P3.35 mula P2.90 para sa luxury bus.
Samantala, pinagkalooban ng 15% fare increase ang mga point-to-point (P2P) bus service batay sa kanilang kasalukuyang pasahe.
Pinakamalaki naman ang itinaas sa flag-down rate ng airport taxi, na naging P115 mula P75 para sa unang 500 metro. Hindi nagbago ang singil sa bawat karagdagang 300 metro at bawat dalawang minuto.
Tumaas din ang base fare ng TNVS. Para sa sedan booking, naging P65 mula P45; AUV/SUV, P75 mula P55; hatchback, P55 mula P35; at premium, P165 mula P145.
Itinakda rin sa P15 kada kilometro ang pick-up fare.
Samantala, nakabinbin pa sa LTFRB ang mga petisyon para sa fare adjustment ng regular, premium silver at premium gold taxi services.
Batay sa provisional rates, itinakda sa P65 mula P50 ang flag-down rate ng regular taxi; P80 mula P50 para sa premium silver; at P95 mula P60 para sa premium gold.
May provisional fare increase din para sa UV Express, na itinakda sa P2.60 kada kilometro para sa traditional units at P3 kada kilometro para sa modern units.
