NASA mahigit 19 kilo ng ilegal na drogang ‘ketamine’ na nagkakahalaga ng P99. 445 milyon ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Clark Freeport Zone.
Batay sa impormasyong natanggap mula sa PDEA Airport Interdiction Unit, isinailalim sa pisikal na pagsusuri ang dalawang shipment.
Ang unang kargamento, na nagmula sa Switzerland at may timbang na 9,882 gramo, ay idineklarang naglalaman ng roasted coffee beans, coffee machine, at mga kagamitan sa paghahanda ng kape.
Napag alamang nakatakdang I deliver ang unang shipment na nasabat sa Mandaluyong City.
Samantala, ang ikalawang shipment, na nagmula sa Amsterdam at may timbang na 10,007 gramo, ay idineklarang sodium bicarbonate cleaning powder at nakatakdang ipadala sa Montalban, Rizal.
Nasabat ang dalawang kargamento matapos matuklasan sa isinagawang pagsusuri ang mga substansiyang hinihinalang ilegal na droga.
Kinumpirma rin ng pagsusuri sa laboratoryo ng PDEA na positibo sa ketamine ang mga nakuhang substansiya.
Ang ketamine ay isang mapanganib na droga na saklaw ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, as amended.
Binigyang-diin ng BoC ang pangangailangan ng mas mahigpit na pagbabantay dahil sa inaasahang pagdami ng mga parcel na darating sa bansa ngayong holiday season.
“Inaasahan nating dadami ang mga parcel na darating sa pamamagitan ng air express carriers. Kaya mas paiigtingin natin ang pagsusuri sa mga dokumento at pisikal na inspeksyon, gayundin ang pagtiyak na maayos at gumagana ang ating mga X-ray machine,” pahayag ng ahensya.
Bahagi ito ng pinaigting na pagbabantay ng pamahalaan laban sa pagpasok ng ilegal na droga ngayong papalapit ang holiday season. (Jeff Tumbado)
In photo : Ang nasabat na smuggled illegal drugs na ‘ketamine’ na nagkakahalaga ng P99. 445 milyon sa isang warehouse sa Clark Freeport Zone habang isinasailalim sa pag imbentaryo ng mga awtoridad
