IPINATAW ng Office of the Ombudsman ang preventive suspension laban kay Rosario, Cavite Mayor Jose Voltaire Ricafrente kaugnay ng umano’y pagsusugal nito sa isang casino sa Bacolod City.
Ayon sa Ombudsman nitong Huwebes, nag-ugat ang kaso sa reklamong inihain ng Field Investigation Office I kasunod ng isinagawang imbestigasyon sa umano’y paglahok ng alkalde sa casino gambling.
Sa anim na pahinang kautusan, sinabi ng Ombudsman na may sapat na batayan upang suspendihin si Ricafrente dahil sa matibay na ebidensiyang nakalap laban sa kanya.
Nahaharap ang alkalde sa mga kasong Grave Misconduct at Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service, na kapwa maaaring maging batayan ng kanyang pagkakatanggal sa serbisyo.
Batay sa imbestigasyon, pumasok umano si Ricafrente sa isang casino sa loob ng isang hotel noong Marso 14, 2026, kasama ang apat na indibidwal na hindi pinangalanan.
Nabatid na naglaro ang alkalde sa isang gaming table gamit ang casino chips na nagkakahalaga ng ₱30,000. Nanalo umano siya ng ₱10,000 bago tuluyang umalis sa establisimyento.
Binigyang-diin ng Ombudsman ang Memorandum Circular No. 06, series of 2016, na nagbabawal sa mga opisyal at kawani ng pamahalaan na lumahok sa anumang uri ng pagsusugal.
Gayunman, nilinaw ng ahensya na ang preventive suspension ay hindi nangangahulugang napatunayan na ang administratibong pananagutan ni Ricafrente.
Ipinaliwanag din ng Ombudsman na kinakailangan ang suspensyon upang maiwasan ang posibleng panghihimasok ng alkalde sa imbestigasyon, partikular sa pamamagitan ng kanyang access sa mga dokumento ng pamahalaan at posibleng impluwensiya sa mga testigo.
Ang suspensyon ay walang sahod at mananatiling epektibo habang nakabinbin ang resolusyon sa mga kasong isinampa laban sa alkalde.
Agad na ipatutupad ang kautusan habang nagpapatuloy ang pagdinig sa administratibong reklamo.
