TINANGGIHAN ng Sandiganbayan Third Division ang mosyon ni dating senador Bong Revilla Jr. at ng kanyang mga kapwa akusado na humihiling na ibasura ang kasong malversation kaugnay ng umano’y ghost flood control project na nagkakahalaga ng P92.8 milyon sa Pandi, Bulacan.
Ayon kay Third Division Clerk of Court Atty. Dennis Pulma nitong Miyerkules, naghain si Revilla ng motion for leave to file demurrer to evidence noong Oktubre 19.
Paliwanag ni Pulma, hindi pinagbigyan ng korte ang mga mosyon ng lahat ng akusado na humihiling ng pahintulot na maghain ng demurrer to evidence.
Sa ilalim nito, hinihiling ng akusado na ibasura ang kaso dahil umano sa kakulangan ng ebidensiya ng prosekusyon upang patunayan ang kanilang pagkakasala.
Kasama ni Revilla sa kaso ang mga dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bulacan na sina Brice Hernandez, Jaypee Mendoza, Arjay Domasig at Emelita Juat, gayundin sina Juanito Mendoza at Christina Pineda.
Nilinaw naman ni Pulma na ang mga dokumentong kalakip sa mosyon ni Revilla ay “merely noted” lamang o isinama sa rekord ng korte, ngunit walang kaukulang aksiyon na ginawa rito.
Nakatakdang ilahad ng depensa ang kanilang mga ebidensiya sa Nobyembre 24 hanggang 25, 2026.
Nahaharap si Revilla sa kasong malversation of public funds dahil sa umano’y pakikipagsabwatan sa pagpapalabas ng pondo para sa isang ghost flood control project sa Pandi na nagkakahalaga ng P92.8 milyon.
Kusang sumuko ang dating senador noong Enero matapos maglabas ng arrest warrant laban sa kanya. Gayunman, nakalaya siya noong Agosto matapos makapaglagak ng P1 milyong piyansa.
