ZAMBOANGA CITY — Patay ang isang Regional Trial Court (RTC) judge matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek na magkaangkas sa motorsiklo sa Barangay Tumaga, Zamboanga City, nitong Huwebes ng umaga, Nobyembre 12.
Kinilala ang biktima na si Judge Joseph Wee Sit, presiding judge ng RTC Branch 2 sa Isabela City, Basilan.
Batay sa inisyal na ulat ng pulisya, sakay ng kanyang SUV ang hukom nang biglang tabihan at dikitan ng riding-in-tandem suspects bago pinagbabaril nang sunod-sunod dakong alas-5:25 ng umaga.
Patungo umano ang biktima sa pantalan upang sumakay ng roll-on/roll-off (RORO) vessel papuntang Isabela City nang mangyari ang pananambang.
Dead on the spot ang hukom matapos magtamo ng anim na tama ng bala mula sa kalibre .45 na baril na ginamit ng mga salarin.
Agad na rumesponde ang mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen at nagsagawa ng follow-up operations upang matukoy at matunton ang mga suspek.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang alamin ang motibo sa pamamaslang at pagkakakilanlan ng mga nasa likod ng krimen.
Inaasahan namang maglalabas ng pahayag ang Zamboanga City Police Office at ang hudikatura kaugnay ng insidente.
