IPINAG-UTOS ng Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 167 na ilipat mula sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Quezon City patungo sa Pasig City Jail female dormitory si Alice Guo, ang dating alkalde ng Bamban, Tarlac na na-dismiss dahil sa mga kasong qualified human trafficking.
Sinabi ng korte na nakita nito ang probable cause upang iharap sa paglilitis sina Guo at ang kanyang mga co-accused.
Kabilang sa mga co-accused ni Guo sina Huang Zhiyang, Rachelle Joan Malonzo Carreon, Zhang Ruijin, Baoying Lin, Yu Zheng Can, Dennis Lacson Cunanan, Jamielyn Santos Cruz, Roderick Paul Bernardo Pujante, Juan Miguel Alpas, Merlie Joy Manalo Castro, Rita Sapnu Yturralde, Rowena Gonzales Evangelista, Thelma Barrogo Laranan, Maybelline Requiro Millo alias “Shana Yiyi” at Walter Wong Long.
Si Long, isang Malaysian national na kasalukuyang nakakulong sa Tarlac Provincial Jail, na kabilang sa mga naaresto sa isang Philippine Offshore Gaming Operator hub sa Bamban, Tarlac noong ni- raid noong Marso.
Sinampahan din sila ng mga kaso dahil sa paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act.
Ayon sa korte, lahat ng mga kaso ay hindi pinapayagan ang piyansa.
Itinatakda ng Pasig court ang arraignment at pre-trial nina Guo at Long sa Setyembre 27, alas-8:30 ng umaga sa pamamagitan ng videoconferencing.
Babalik si Guo sa PNP Custodial Center sa Camp Crame pagkatapos ng kanyang arraignment sa graft case sa Valenzuela City RTC Branch 95 dahil inaayos pa ang kanyang paglipat.
Samantala, sinabi ng PNP na natanggap na nito ang court order para sa paglipat ni Guo.
Sinabi ni Col. Jean Fajardo, tagapagsalita ng PNP, na susundin nila ang court order habang hinihintay nila ang desisyon ng Valenzuela court kung maglalabas ito ng commitment order tungkol sa kasong isinampa laban kay Guo sa Valenzuela.
Ang kasong graft laban kay Guo ay inilipat mula sa isang lower court sa Capas, Tarlac patungo sa Valenzuela RTC dahil sa jurisdiction.
