
IHAHAIN sa senado ang anti-political dynasty bill, matapos manawagan ang ilang grupo sa pagpapatupad ng probisyon ng Saligang Batas laban sa ganoong dynasty.
Ayon kay Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla, ito ay tugon sa mga petisyon at pleadings na nananawagan sa Korte Suprema para atasan ang Kongreso na magpasa ng enabling law laban sa political dynasties.
“Tulad ng sinabi ko sa pagdinig ng Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes noong Hunyo, ako ay naniniwala sa 1987 Constitution, nguni’t nabigo tayong magpasa ng enabling law para rito,” ani Padilla, na tagapangulo ng nasabing komite.
“Hindi pa huli para silipin natin kung saan nagkulang ang ating henerasyon,” dagdag niya.
Ayon kay Padilla, matapos niyang ihain ang kanyang panukalang batas, balak niya itong talakayin sa Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes.
Noong pagdinig noong Hunyo, iginiit ni Ricardo Penson, chairman ng Consumer Protection Advocacy Group, Inc. (CPAG), na noon pang 1990s, 60 porsyento na ng Kongreso ay galing sa political dynasties. Ngayon, aniya, lumobo na ito sa 92 porsyento.
Dahil dito, maaaring mabigo ang pagbago sa Saligang Batas sa pamamagitan ng constitutional convention “if 92 percent will be running as delegates” sa convention.
Ayon naman kay Christian Monsod – isa sa mga tagapagbalangkas sa 1987 Constitution – dapat unahin ng Kongreso ang pagpasa ng anti-dynasty law sa halip na amyendahan ang Saligang Batas. Nagbabala siya sa masamang epekto ng political dynasties.
Ayon sa mga ulat, iginiit ni Monsod na hindi mangyayari ang tunay na pagbabago hangga’t hindi tinutugunan ang ugat ng sistema.