DUMATING na sa Pilipinas si dating Negros Oriental 3rd district Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr. mula sa Timor Leste nitong Huwebes ng gabi matapos siyang arestuhin noong Martes ng mga opisyal ng imigrasyon sa Timor-Leste kung saan siya humingi ng asylum.
Nakabalik na sa Pilipinas ang pinatalsik na mambabatas, na tinaguriang mastermind sa pagpatay kay Negros Oriental governor Roel Degamo at siyam na iba pa noong Marso 2023 matapos i-deport mula sa Timor-Leste.
Nakaposas ang mga kamay ni Teves at nakagapos ang kanyang mga paa kasama ang mga awtoridad sa eroplano ng Philippine Air Force (PAF).
Ang dating solon ay binasahan ng kanyang Miranda Rights habang sakay ng eroplano.
Isang tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang nagsabi kay Teves na siya ay inaresto batay sa warrant of arrest na inisyu ng korte sa Maynila noong Setyembre 2023 dahil sa 10 counts ng murder, 12 counts ng frustrated murder, at apat na bilang ng attempted murder.
Nabatid din sa dating Negros solon na isa pang warrant of arrest ang inilabas laban sa kanya noong 2024 ng korte ng Dumagute dahil sa kasong murder, illegal possession of explosives, illegal possession of firearms at Terrorism Financing Prevention and Suppression Act.
Itinanggi naman ng dating mambabatas ang mga kasong ibinato laban sa kanya.
