INAAASAHANG muling bababa ang presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo, kung saan posibleng umabot sa ₱5 kada litro ang rollback sa diesel at ₱4 naman sa gasolina.
Batay sa pagtaya ni Jetti Petroleum President Leo Bellas, posibleng maglaro sa ₱4 hanggang ₱5 kada litro ang ibababa ng presyo ng diesel, habang ₱3 hanggang ₱4 kada litro naman sa gasolina.
Nakabatay ang naturang pagtataya sa unang apat na araw ng trading sa Mean of Platts Singapore (MOPS) at sa paggalaw ng palitan ng piso kontra dolyar.
Ang MOPS ang nagsisilbing pangunahing batayan sa pagpepresyo ng mga refined petroleum products sa Southeast Asia.
Gayunman, hindi pa kabilang sa naturang kalkulasyon ang mga gastusin sa ocean freight at insurance na maaari pang makaapekto sa aktuwal na presyo ng langis.
Ayon kay Bellas, patuloy na nakatutulong sa pagbaba ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado ang mga positibong balita hinggil sa diplomasya, sa kabila ng nananatiling banta sa suplay.
“Patuloy na nagpapababa sa presyo ng langis ang mga diplomatikong balita ngayong linggo, sa kabila ng nananatiling panganib sa suplay,” ani Bellas.
Gayunman, nakaranas din ng pagtaas ang presyo ng langis matapos lumala ang pangamba sa posibleng pagkaantala ng suplay dahil sa mga pag-atake sa mga imprastraktura ng enerhiya ng Saudi Arabia at mga barkong dumaraan sa Strait of Hormuz.
Inaasahang mas malinaw ang magiging galaw ng presyo ng mga produktong petrolyo matapos makumpleto ang trading sa pandaigdigang merkado.
