NAGPALABAS ng babala ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) laban sa pangunguha, pagbebenta at pagkonsumo ng mga shellfish mula sa apat na baybaying lugar sa Eastern Visayas matapos makitaan ng paralytic shellfish toxins na dulot ng red tide.
Sa advisory na inilabas noong Nobyembre 12, kinumpirma ng BFAR Region 8 na nagpositibo sa red tide toxins ang mga sample ng shellfish mula sa Carigara Bay, Irong-Irong Bay, Matarinao Bay at Cambatutay Bay batay sa isinagawang laboratory tests.
Saklaw ng Carigara Bay ang mga baybayin ng Babatngon, San Miguel, Capoocan, Barugo at Carigara sa Leyte, habang matatagpuan naman ang Irong-Irong Bay sa Catbalogan City, Samar.
Kabilang naman sa Matarinao Bay ang mga baybayin ng General MacArthur, Quinapondan, Hernani at Salcedo sa Eastern Samar. Saklaw din ng Cambatutay Bay ang baybayin ng Tarangnan sa Samar.
Isinagawa ang pagsusuri sa mga sample ng shellfish ng BFAR-8 Regional Fisheries Laboratory.
Ayon sa BFAR, naglabas na ito ng lokal na red tide advisory para sa Cambatutay Bay habang hinihintay ang kumpirmasyon ng resulta mula sa BFAR National Fisheries Laboratory Division sa pamamagitan ng Receptor Binding Assay.
Dahil dito, pinapayuhan ang publiko na huwag manghuli, bumili, magbenta o kumain ng lahat ng uri ng shellfish, kabilang ang Acetes species o alamang, na nagmula sa mga apektadong lugar.
Gayunman, nilinaw ng ahensya na maaari pa ring kainin ang mga isda, pusit, hipon at alimango mula sa mga nasabing karagatan, basta’t sariwa ang mga ito at inalis ang mga lamang-loob, partikular ang bituka at hasang, bago hugasang mabuti.
