
ARESTADO ang isang lalaki na n tinaguriang “Asia’s best hacker” sa Las Piñas dahil umano sa pambibiktima sa mga dayuhan sa kanyang mga ilegal na gawain.
Ayon sa ulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) , hinalughog ang bahay ni Edgar Silvano Jr., 47, sa Barangay Talon Dos bandang alas-2 ng hapon noong Biyernes batay sa bisa ng isang search warrant na inisyu ni Judge Elizabeth Yu Guray ng Las Piñas Regional Trial Court Branch 202.
Nakuha mula kay Silvano ang labing-isang cellphone, pito na flash drive, limang laptop, apat na SD card, tatlong Wi-Fi router, dalawang hard drive, isang desktop, at isang modem.
Bukod dito, kinumpiska rin ng pulisya ang ilang mga dokumento kaugnay ng mga titulo ng lupa at pagbili ng sasakyan. Ayon sa pulisya, ang mga dokumento na ito ay naglalaman ng personal at bank account information ng ibang tao.
Binasahan si Silvano ng kaso sa paglabag sa Republic Act 8484 o Access Device Regulations Act of 2012.
Kinasuhan rin ng paglabag sa RA 10591, o illegal possession of firearms , matapos makumpiska ang isang 9mm pistol na may siyam na bala.
Ayon sa NCRPO, tinawag si Silvano na “Asia’s best hacker” noong 2001 matapos niyang mag-hack ng isang international banking system na nakabase sa Hong Kong. Siya ay nakulong ngunit pinalaya sa probation.
Si Silvano ay muli naaresto noong 2016 ng National Bureau of Investigation para sa paglabag sa RA 8484 at pagmamay-ari ng ilegal na droga.
Sinabi ng NCRPO na ang lahat ng nakumpiskang electronic device ay dadaan sa data extraction at forensic examination.
Si Marie Joy Espano, na kasabwat ni Silvano, ay naaresto dahil sa obstruction of justice matapos umanong magbigay ng maling impormasyon sa pulisya.