NAHAHARAP sa matinding stress ang mga manggagawa kaya naman bumababa ang kanilang productivity dahil sa mahinang balanse sa trabaho at buhay.
Base sa survey ng DOLE-ILS maraming empleyado ang burnout at walang pahinga, may 72% ng mga manggagawang Pilipino ang nakakaranas ng stress, habang tumataas rin ang stress ng mga manggagawa nitong mga nakaraang taon dahil sa pagkapagod at kulang sa pahinga.
Kaya naman isang panukalang batas ang inihain sa mababang kapulungan ni 1Tahanan Partylist Representative Nathaniel Oducado ang HB 8741 o “Service Incentive Leave Act of 2026,” na magtatatag ng pagtaas sa taunang service incentive leave (SIL) mula limang (5) araw hanggang sampung (10) araw na may bayad para sa mga empleyadong nakapagserbisyo nang hindi bababa sa isang taon.
Ang mga mangagagawa ay binibigyan ng sapat na oras para magpahinga at pangalagaan ang kanilang sarili at ang kanilang mga pamilya.
Pinapayagan ng panukalang batas ang mga empleyado na gawing cash lamang ang hanggang limang (5) araw ng hindi nagamit na bakasyon at pinapanatili ang mga exemption para sa mga tumatanggap na ng katulad o mas Magandang benepisyo at para sa ilang maliliit o kapos sa pondo sa negosyo.
“Ito ay praktikal at makataong solusyon na sumusuporta sa mga manggagawa nang hindi masyadong nagpapabigat sa mga employer,” sabi ni Oducado.
