NIRATIPIKAHAN na ng Senado kahapon Disyembre 13 ang bicameral conference committee report sa Senate Bill (SB) No. 2221 at House Bill (HB) No. 7325 o ang Magna Carta of Filipino Seafarers.
Sinabi ni Tulfo, ang principal sponsor at isa sa mga may-akda ng SB No. 2221, na ang pag-ratify sa Magna Carta of Filipino Seafarers ay resulta ng pagtutulungan ng mga kinatawan mula sa parehong kapulungan na may parehong layunin na makapagpasa ng na batas na magtataguyod sa interes ng mga marino.
“Konting-konti na lang po, and this Magna Carta of Filipino Seafarers will have concluded its long and turbulent journey. It is ready to go home to our beloved Filipino Seafarers and be a lighthouse to their voyages,” saad niya.
Pinasalamat din ni Tulfo ang mga kasamahan niya sa Senado at mga representatives mula sa House. Aniya, kahit na may pagkakaiba sila sa opinyon ay naplantsa ang lahat ng ito sa Bicam.
Kabilang na dito ang annual leave kung saan ang mga miyembro ng Bicam ay sumang-ayon sa isang kompromiso na 3.5 na araw sa kalendaryo bawat buwan ng pagtatrabaho, sabi ni Tulfo.
Gayundin, pinagtibay ng Senado ang bersyon ng Kamara na nag-institutionalize sa shipboard training na ire-regulate at susubaybayan ng Marina.
Bagama’t nagkaroon ng malawak na talakayan sa pagitan ng mga miyembro ng Bicam, sinabi ni Tulfo na sa huli ay nakabuo sila ng probisyon sa Execution of Judgment and Monetary Awards kung saan ang mananalong partido ay masisigurong ibabalik ang disputed monetary award, kung sakaling mabaligtad ang apela.
Nangako rin si Tulfo na ang Magna Carta for Seafarers ay hindi ang huling batas na kanilang gagawin para maprotektahan ang mga marino.
“Throughout the process concerns have also been raised regarding the efficacy of the Seafarer’s Protection Act. I have taken note of these and will initiate its review next year,” saad niya.