
NAPIGILAN ng Bureau of Immigration sa Ninoy Aquino International Airport NAIA na makapasok sa bansa ng isang Chinese national na pinaghihinalaang sangkot sa credit card fraud.
Sa isang ulat kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, sinabi ng BI-Interpol unit na ang 29-anyos na lalaki, na itinago ang pagkakakilanlan alinsunod sa mga protocol ng Interpol, ay naharang noong nakaraang linggo sa terminal 1 ng NAIA matapos dumating lulan ng isang flight ng Eva Air mula sa Taipei.
Ayon kay BI-Interpol chief Jaime Bustamante, ang suspek ay ibinalik sa kanilang bansa pagkatapos makita ng immigration officer na nagproseso sa kanya na ang kanyang pangalan ay nasa listahan ng blacklisted na dayuhan sa bureau.
Sinabi pa ni Bustamante na ang pagbabawal na ito ay nagmula sa isang blue notice na inilabas ng Interpol sa Beijing noong Nobyembre 2022 ukol sa kriminal na kaso na nakabinbin laban sa kanya sa Taiwan..
Natuklasan na isang kriminal na kaso ay isinampa laban sa suspek noong Abril 2019 ng municipal public security bureau sa Baoding City, Hebei province, China dahil sa pagtutulak umano sa pagbebenta ng mga credit card ng kanyang mga kamag-anak sa mga kriminal na sindikato ng pandaraya.
Base sa imbestigasyon , pinaghihinalaang gumawa ng krimen ang lalaki mula Disyembre 2018 hanggang Pebrero 2019 nang hikayatin ng kanyang kapatid ang 39 ng kanilang mga kamag-anak na mag-advertise ng pagbebenta ng kanilang mga credit card online.
Subalit binili ng mga kriminal sa ibang bansa ang mga card sa tulong ng suspek na mamahala pagkatapos na tumakas mula sa China bitbit ang pera na kanyang kinikita mula sa transaksyon. Naglabas ng criminal detentention laban sa kanya ng Baoding public security bureau.