INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang isang papaalis na pasaherong Malaysian na iligal na pumasok sa bansa sa international seaport sa Zamboanga City.
Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado si Hii Kien Tong, 32-anyos, na naharang sa Zamboanga International Seaport (ZIS) noong Oktubre 16 habang tinatangka nitong sumakay sa barkong M/V Antonio 1 patungong Sandakan, Malaysia. .
Sinabi ni Viado na hindi pinayagang umalis si Hii matapos makita ng mga opisyal ng immigration na ang kanyang pangalan ay nasa database ng BI ng mga naka-blacklist na dayuhan.
Sa pagsisiyasat kalaunan nabunyag na dati siyang pinagbawalan na pumasok sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Disyembre 9, 2023 dahil sa kanyang pagiging blacklisted alien.
Kasama siya sa nasabing blacklist noong Disyembre 27, 2022 dahil sa ilegal na pagtatrabaho sa isang online gaming hub na may kanseladong lisensya para makapag-operate.
Ayon kay Viado, nadiskubre ang pasahero na isang illegal entrant matapos na walang nakitang immigration arrival stamp sa kanyang passport ang mga opisyal ng BI.
“Pinaghihinalaan namin na sa kabila ng pagbabawal sa kanyang pagpasok sa bansa noong nakaraang taon, nagawa niyang muling makapasok sa bansa nang ilegal,” sabi ng hepe ng BI.
Pinuri niya ang mga tauhan ng BI na nakatalaga sa Zamboanga port sa kanilang pagbabantay sa pagsugpo sa pagtatangka ng isang illegal alien na tumakas sa bansa.
Ang Malaysian ay kasunod na dinala sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City kung saan siya ay mananatili habang sumasailalim sa deportation proceedings.