MAY mahigit P7 bilyong halaga ng “congressional initiatives” si Senador Jinggoy Estrada sa 2025 national budget, ayon sa testimonya ni dating Public Works Secretary Manuel Bonoan na isinumite sa Fifth Division ng Sandiganbayan nitong Martes.
Kasalukuyang dinidinig ng anti-graft court ang petisyon ni Estrada para makapagpiyansa, kung saan tumestigo si Bonoan.
Tinutulan ni Lawrence Arroyo, abogado ni Estrada, ang pagsasama ng naturang halaga sa testimonya ni Bonoan dahil aniya, hindi ito kaugnay sa kasong kinakaharap ng senador.
Gayunman, sinabi ni Special Prosecutor Reza Derayunan na may kaugnayan ang halaga dahil bahagi ito ng congressional initiatives na inilaan kay Estrada para sa fiscal year 2025.
Iginiit naman ni Arroyo na bagama’t kabilang ang halaga sa 2025 General Appropriations Act (GAA), hindi ito bahagi ng mga alegasyon sa binagong Information o pormal na sakdal laban sa senador.
Ayon sa abogado, nasa P2 bilyon lamang ang halagang tinutukoy sa kaso ni Estrada, kaya may sobrang P5 bilyon sa testimonya.
Gayunman, pinayagan ni Associate Justice Zaldy Trespeses na maisama ang naturang halaga sa testimonya ni Bonoan.
Samantala, tumanggap umano ng hindi bababa sa P5 bilyong kickback mula sa mga contractor si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Henry Alcantara, ayon sa testimonya naman ng isang saksi sa Third Division ng Sandiganbayan nitong Martes.
Inilahad ni Carlo Rivera, dating tauhan ni Alcantara, ang naturang impormasyon sa pagdinig sa petisyon para sa piyansa ni dating House Speaker Martin Romualdez, na nahaharap sa kasong may kaugnayan sa umano’y P7.44 bilyong kickback.
Ayon kay Rivera, ang P5 bilyon ay katumbas ng 25 porsiyentong umano’y commitment o kickback mula sa mga proyekto ng DPWH sa Bulacan mula 2022 hanggang 2025.
Sinabi niyang pinakamalaki ang halaga ng mga proyekto noong 2024 na umabot sa P14.1 bilyon, sinundan ng P12.9 bilyon noong 2023, P7.3 bilyon noong 2025, at P519 milyon noong 2022.
Ayon pa kay Rivera, personal niyang kinontak ang mga contractor upang makipag-ugnayan at tiyakin ang paghahatid ng mga umano’y kickback sa tanggapan ni Alcantara.
Sinabi rin nito na ang 25 porsiyento ng mga naturang paghahatid ay napunta sa mga project proponent, kabilang si dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, na kapwa akusado sa kasong plunder.
Kabilang din umano sa listahan ng mga project proponent sina dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, dating Senador Bong Revilla, at Senador Jinggoy Estrada.
