Sa larawan : Si Police Staff Sergeant Ryne Rene R. Balisi ng Pasig City Police nang iharap sya sa press conference ng Napolcom
TUTULUYAN ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang pagsasampa ng kasong administratibo hanggang masibak sa serbisyo si Police Staff Sergeant Ryne Rene R. Balisi ng Pasig City Police kaugnay ng umano’y pagwawasiwas at pagtutok nito ng baril habang lasing sa isang gasolinahan sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City, noong Oktubre 25.
Iniharap mismo ni Napolcom Commissioner Atty. Ralph Calinisan si Balisi sa isang press briefing sa NAPOLCOM Central Office sa Quezon City nitong Oktubre 28.
Ayon kay Calinisan, naihain na ang pormal na reklamo laban sa pulis kaya hindi na kinakailangan ang sariling pagsisiyasat ng komisyon o ang motu proprio investigation.
Inaasahang uusad ang kaso sa ilalim ng mga kasong administratibong Grave Misconduct at Conduct Unbecoming of a Police Officer.
Batay sa mga video na kuha ng cellphone, makikitang lasing si Balisi na pasuray-suray na naglalakad habang dala ang kanyang service firearm at itinutok ito sa isang sasakyang nagpapakarga ng gasolina sa Sandoval Avenue.
Napag alamang hindi naka duty si Balising nuong naganap ang insidente.
Rumesponde ang mga opisyal ng barangay matapos humingi ng tulong ang isang concerned citizen, na humantong sa pag-aresto kay Balisi ng Pasig City Police.
Nakapagpiyansa na ang pulis, ngunit nananatili siyang nasa ilalim ng mahigpit na kustodiya sa punong-tanggapan ng Eastern Police District (EPD) habang nagpapatuloy ang mga kasong administratibo laban sa kanya.
