BINAWIAN ng buhay ang isang 42-anyos na motorcycle rider at ang kaniyang 11-buwang-gulang na anak matapos silang madaganan ng tumagilid na dump truck na may kargang buhangin sa Luzon Avenue, Quezon City, madaling-araw ng Martes.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente malapit sa interseksyon ng Luzon Avenue at Congressional Avenue sa Barangay Culiat pasado alas 12 ng madaling araw.
Sinabi ni Police Major Jennifer Gannaban, hepe ng Public Information Office ng Quezon City Police District (QCPD), idineklarang patay ang rider dakong alas-2:23 ng madaling-araw, habang binawian naman ng buhay ang sanggol dakong alas-4:55 ng madaling-araw.
Samantala, nananatili sa ospital ang 31-anyos na kinakasama ng rider at ina ng sanggol para sa kinakailangang atensyong medikal dahil sa tinamong bali sa mga binti.
Nasa kustodiya na ng QCPD ang 29-anyos na driver ng dump truck at ang kanyang pahinante.
Ayon kay Gannaban, sinasabing nawalan ng preno ang truck habang naghahatid ng buhangin mula Pampanga patungong Quezon City.
Nahaharap ang driver sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide, physical injuries, and damage to property. (Jeff Tumbado)
In photo : Ang dump truck na may kargang buhangin na tumagilid sa may kanto ng Luzon Avenue at Congressional Avenue, Barangay Culiat, Quezon City, kung saan nasawi ang isang ama at 11 buwang sanggol. (
