KAPWA inaresto ang isang miyembro ng Manila’s Finest (Manila Police District) at kanyang kinakabit na babaeng police trainee makaraan silang mahuling magkasama sa isang apartelle sa Novaliches, Quezon City araw ng Lunes, Oktubre 26.
Batay sa ulat, humingi ng tulong ang mister na pulis sa Quezon City Police District (QCPD)-Station 4 at sa Violence Against Women and Children (VAWC) Desk ng Barangay Bagbag matapos matuklasang nag-check in sa Starcia Apartelle ang kaniyang asawa kasama ang kapwa nito pulis.
Nang puntahan ng mga awtoridad ang naturang apartelle, kinumpirma na nasa loob ng isang kwarto ang dalawa.
Naaresto ang babaeng suspek matapos nitong magtangkang lumipat ng isang bakanteng kwarto.
Samantala, sinubukan pang magtago ng lalaking suspek sa stockroom ng apartelle, ngunit agad din siyang natunton at naaresto ng mga awtoridad.
Nahaharap naman sa reklamong adultery ang mga suspek na isang patrolman na naka-assign sa MPD-Station 11, at ang babaeng police trainee na isang taon nang kasal sa nagreklamong mister, na miyembro rin ng MPD.
