June 25, 2024

The Insider News

Direct from the source

Buhayani Festival 2024, inilunsad sa Calamba City

Ni Cyrill Quilo

PINANGUNAHAN nitong Martes ni Calamba  City, Laguna Mayor Rosseller Rizal ang pormal na pagbubukas ng isang buwang selebrasyon  ng anibersaryo ng pagkakatatag ng lungsod.

Pinamagatang “Calambagong Buhayani 2024,”  ito ay may temang “Isang Dekada ng Saya at Parangal sa mga Bayani ng ating Bayan.”

Sa ginanap na press conference nitong Martes (Hunyo 9), sinabi ng alkalde ng Calamba City na ang pagdiriwang ay magkakaroon ng pinakaaabangang iba’t ibang aktibidad na magpapakita sa diwa ng kabayanihan ng komunidad sa lungsod.

Mula sa masasarap na pagkain sa Kusinang Calambeño sa Jose Rizal Function Hall na gaganapin sa  Hunyo 10 hanggang sa mga pagpapakita ng talento sa Talinong Rizal na gaganapin naman sa City Mall Calamba Event Hall sa  Hunyo 11 na makapagbibigay kasiyahan sa bawat isa.

Para sa mga mahihilig sa sining ay maaaring abangan ang isang painting competition sa Jose Rizal Coliseum na gaganapin naman sa Hunyo 11, habang ang paggunita sa ika-126 na Araw ng Kalayaan  ay isasagawa sa Jose Rizal Coliseum Function Hall sa darating na  Hunyo 12 bilang pagbibigay-pugay sa kasaysayan at kalayaan ng bansa.

Magpapatuloy ang pagdiriwang sa mga nakakapanabik na aktibidad tulad ng “Kwentong Bayani” kasama ang mga lokal na lider kabilang ang alkalde at bise-alkade na si Totie Lazaro sa Museo ni Dr. Jose Rizal sa Hunyo 13. Dito ay ilalahad ang mga kwento ng  bayaning nagbibigay-inspirasyon.

Bukod dito, sinabi ni Mayor Rizal na ang Buhayani Job Fair naman ay gaganapin sa SM City Calamba sa Hunyo 14 , na may layuning makapagbigay ng trabaho sa mga naghahanap at  bilang suporta sa mga residente na kanyang nasasakupan.

Gaganapin naman ang Calambagong Bayani Awards 2024 sa Hunyo 14 sa Bulwagang Rizal na siyang magbibigay-pugay sa mga indibidwal na nagpakita ng ‘di pangkaraniwang tapang at serbisyo sa komunidad.

Magtatapos ang selebrasyon ng Calambagong Buhayani Festival 2024 sa gaganaping Grand Parade sa Riverview Resort sa Hunyo 19, na susundan ng isang float competition kasabay na rin ng pagdiriwang sa ika-163 kaarawan ni Dr. Jose Rizal sa Museo ni Dr. Jose Rizal sa plaza.

Isang River Run rin ang gaganapin mula sa Jose Rizal Plaza patungo sa Barangay Lamesa sa darating na Hunyo 30 upang makatulong sa proyekto ng paglilinis ng mga ilog sa lungsod.

Hinikayat ng alkalde ang pagtangkilik ng mga residente at turista sa ginawang pagbubukas ng Calambagong Bayani Bazaar sa Rizal Plaza sa buong buwan ng Hunyo na nag-aalok ng iba’t ibang produkto at kalakal para sa mga bisitang dadayo sa lungsod.

Kaya naman inaaasahan na ng alkalde na magiging masaya at kapanapanabik ang  selebrasyon.