Photo from Binan City CIO
NAKILAHOK ang tinatayang 600 kawani ng gobyerno sa 2024 tree growing initiative na inilunsad ng Civil Service Commission (CSC) kasabay ng kanilang pagdiriwang ng ika-124 Anibersaryo .
Isinagawa ang tree-growing for a cause sa katabing lawa ng Bgy. Dela Paz, lungsod ng Biñan na may temang “Linggo ng Malasakit sa Kalikasan,” na ginanap mula Setyembre 15 hanggang 21 bilang paggunita sa Philippine Civil Service Anniversary (PCSA ).
Hindi bababa sa 10,000 puno ang layunin ng proyektong ito na nais maitanim upang makangalap ng pondo para sa Pamanang Lingkod Bayani (PLBi) Program ng CSC, kung saan sumusoporta sa mga pamilya ng mga pumanaw na civil servants .
Dumalo sa tree planting activity sina LLDA acting general manager Bernardo A. Santiago, CSC chairperson Karlo B. Nograles, Biñan City Mayor Walfredo “Arman” Dimaguila, Vice Mayor Angelo “Gel” Alonte, mga miyembro ng Sangguniang Panglungsod, at mga empleyado mula sa iba’t ibang sektor ng gobyerno at mga non-government organizations.
Ayon kay Santiago “Kaya po dito ginawa ang aktibidad na ito ay dahil ang Biñan ay isang local government unit na karapat-dapat tularan. Pwedeng gayahin ng ibang LGU. Biñan ay karapat-dapat sa papuri bilang mabubuting lingkod-bayan. Tuloy-tuloy pa sila sa paggawa ng magagandang proyekto at malaki ang kanilang kooperasyon,” .
“Napili ang Biñan bilang lugar ng programa dahil napakadynamic at very supportive ng Biñan, maraming initiatives, kahanga-hanga ang volunteerism at dedikasyon ng mga lingkod-bayan ng Biñan,” ani naman ni Nograles.
Ayon sa chairperson ng CSC, ang tree growing ay isang responsibilidad ng bawat henerasyon upang ipakita ang malasakit sa kalikasan.
“Hindi lamang ito simpleng pagtatanim ng puno kundi isang pangako sa sustainability upang matiyak na pangmatagalan ang ating pagsisikap,” dagdag niya.
Sinabi ni Nograles na ang tree growing ay ilulunsad sa maraming lugar sa Region 4, kabilang ang Puerto Princesa sa Palawan, Boac sa Marinduque, at Bongabon sa Oriental Mindoro.
Sinabi rin ni Nograles na sa Tanay ay nakapagtanim na sila ng 3,000 puno at patuloy itong minomonitor.
Noong nakaraang taon, mayroon na rin silang 15,000 punla, at ngayon, may karagdagang 1,200 punla ng narra, molave, catmon, at mga puno na namumunga mula sa Biñan.
Pinuri niya ang bawat kawani ng gobyerno na lumahok sa aktibidad.
Ayon naman kay Biñan Mayor Dimaguila na ang hamon sa tree planting ay kung paano matiyak na ang mga ito ay tunay na tutubo.
“Sa tree planting, ang challenge ay sa tree growing, kung paano mapapalaki ang mga puno, ilan ang mabubuhay at sino ang mag-aalaga. Pero kung walang magsisimula, sino? Madali ang magtanim pero ang magpatubo ay mahirap. Kailangan natin magtanim ng maraming puno,” sabi ng alkalde.
Idinagdag pa niya na kung ang buong paligid ng Laguna Lake ay matataniman ng puno, mababawasan ang pagbaha sa lungsod at mga karatig na lugar.
“Isipin ninyo, kung ang buong paligid ng Laguna Lake ay maraming puno, baka kaunting dredging na lang ang kailangan sa lawa para hindi tayo binabaha,” sabi ni Dimaguila.
Ang tree growing for a cause ay pinangunahan ng CSC, sa pakikipagtulungan sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), na layuning makatulong sa pagbawas ng epekto ng climate change sa pamamagitan ng pagtatanim ng puno at isulong ang pangangalaga sa kalikasan, habang nangangalap ng pondo para sa mga pamilya ng mga pumanaw na lingkod-bayan.
Tinatayang makikipagtulungan ang 28 LGUS sa paligid ng Laguna de Bay na makapagtanim ng punla upang maiwsan ang pagbabaha.