INANUNSIYO ng Department of Agriculture (DA) nitong Huwebes ang plano nitong magtayo ng karagdagang food hubs ngayong taon, na idinisenyo bilang direktang pamilihan kung saan maaaring ibenta ng mga magsasaka at kooperatiba ang kanilang produkto sa mga wholesale buyers o mamimili sa makatarungang presyo, habang tinutugunan ang mga hamon sa logistics at pinapabuti ang access sa merkado.
Sa isang press briefing sa Palasyo, ipinahayag ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel ang kanyang pasasalamat kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., gayundin sa Senado at Kongreso, sa pagbibigay ng mas mataas na pondo na PhP215 bilyon sa kanilang ahensya, na nagbigay-daan sa pagtatayo ng mas maraming food terminals sa buong bansa.
“I’m happy to announce and thank the President, and of course, both Senate and Congress na nabigyan tayo ng maayos at malaking budget for ‘yung ating food hub. ‘Yun ho talaga ang kailangan natin,” ani Tiu Laurel.
Ayon kay Tiu Laurel, mahigit PhP2 bilyon ang ilalaan para sa pagtatayo ng malaking food hub sa Clark, Pampanga na tatanggap ng lahat ng produkto mula sa Hilagang Luzon at paligid ng Clark.
“Sa Clark, PhP2 billion ang probably ilalagay natin sa Clark for our food hub…Hopefully, by first quarter of next year, operational ‘yun,” ani Tiu Laurel.
Sinabi rin ni Tiu Laurel na maglalaan ang kanilang ahensya ng tig-PhP500 milyon para sa pagtatayo ng food hubs sa Pili, Camarines Sur, at sa Manolo Fortich, Bukidnon.
Ang food hub sa Manolo Fortich ay itatayo sa 40-ektaryang lote, na may grain terminal at cold storage malapit dito. Samantala, ang food hub sa Pili ay itatayo katabi ng mega cold storage na matatapos ngayong Pebrero.
“’Yung mega cold storage natin matatapos ng February sa CamSur, then ‘yung food hub itatabi sa kanya. So, doon na ang puntahan, para kung may any excess ngayon ng produkto ng ating farmers na within striking distance nung food hubs na ‘yun, doon na dadalhin,” ayon kay Tiu Laurel.
“Nandoon na ‘yung mga customers, nandoon na ‘yung mga cold storage, nandoon na ‘yung pati ‘yung mga kailangan nilang fertilizer na pabalik na sa kanila, nandoon na para one-stop-shop. So, ‘yun ho ang isang pinakamagandang magiging resulta nung budget na binigay sa amin this year to address that concern,” dagdag pa niya.
