
HINDI pa man nailuluklok ang bagong pangulo ng bansa,hayagang nanawagan na ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na madagdagan ang kanilang pondo para sa mga local government units (LGU) na walang kakayahang tugunan ang lumalaking problema sa basura.
Nais ihirit ni DENR Undersecretary Jonas Leones ang pagsusulong ng amyenda sa Republic Act 6969 (Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act of 1990).
Ayon sa EMB, mangangailangan ng karagdagang P300 milyon ang mga 5th class municipalities na aniya’y wala man lang kakayahang makapagtayo ng sariling solid waste disposal facility batay sa angkop na pamantayang nakatala sa Republic Act 9003 (Ecological Solid Waste Management Act).
“Environmental compliance usually incurs high costs,” aniya.
Binigyang-diin rin ng nasabing opisyal ang ginagampanang papel ng private at public sectors sa pagtulong sa national government sa pagtugon sa problemang kalakip ng patuloy na pagdami ng basura sa patuloy na paglaki ng populasyon.
Sa usapin naman ng mga basurang may dalang peligro, nilinaw ni EMB Hazardous Waste Management Section Chief Geri Sañez na hindi lahat ng LGUs ay mayroong sariling materials recovery facility at sanitary landfill, storage at treatment and disposal facilities na higit na kailangan para sa mga hazardous wastes.
Ani Sañez, may binalangkas nang draft bill para na pamalit sa RA 6969 at ang kulang na lang aniya ay bigyang prayoridad ng Kongreso.
“I hope that the next administration or whoever will be the next President will give priority to the draft bill amending RA 6969. This has already been approved in the House of Representatives but is still awaiting the Senate version of the bill. This has not been given priority for more than two decades already and is constantly being refiled and updated,” aniya.