
KINUMPIRMA ng Department of Justice (DOJ) ngayong araw ng Miyerkules na naaresto sa Tangerang City, Jakarta, Indonesia si dating Mayor Alice Guo ng Bamban, Tarlac, na kilala rin bilang Guo Hua Ping.
Ayon sa DOJ, nahuli ang dating alkalde ng Bamban nitong 11:58 ng gabi noong Martes (Setyembre 3).
Ang impormasyon ay nakalap ni Senior Superintendent Audie Latuheru ng Indonesian at kasalukuyang nasa kustodiya ng Indonesian Police sa Jatanras Mabes Polr si Guo ayon sa DOJ.
Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang pag-aresto kay Guo ay patunay ng walang pagod na pagsusumikap ng mga ahensya ng batas at ang lakas ng internasyonal na kooperasyon sa pagdadala ng mga fugitive sa katarungan.
Matatandaan , ang 33-taong-gulang na dating alkalde ay inutusang arestuhin ng Senado noong Hulyo dahil sa paulit-ulit na pagkabigong dumalo sa imbestigasyon ng upper chamber tungkol sa nasamsam na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa kanyang bayan.
Nahaharap si Guo sa mga reklamo ukol sa kanyang diumano’y pakikilahok sa POGOs sa bansa at mga tanong tungkol sa kanyang pagkamamamayan.
Kasama ring inutusan na arestuhin ng Senado sina Dennis Lacson Cunanan, Nancy Jimenez Gamo, at ang diumano’y mga kamag-anak ni Guo na sina Shiela Leal Guo, Wesley Leal Guo, Jian Zhong Guo, Seimen L. Guo, at Wenyi Lin.
Noong Mayo, ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ay nagsampa ng mga kaso ng graft laban kay Guo dahil sa kanyang sinasabing koneksyon sa POGO.
Noong Hunyo, nagsampa rin ang mga awtoridad ng reklamo laban kay Guo at iba pa para sa diumano’y human trafficking kaugnay ng nasamsam na POGO hub sa Bamban.
Nagsampa rin ang Office of the Solicitor General ng quo warranto petition laban kay Guo.
Sa kabila ng pagiging paksa ng isang immigration lookout bulletin dahil sa patuloy na imbestigasyon, nakalabas si Guo ng bansa noong Hulyo 18.
Ayon sa ulat, nagpunta si Guo sa Malaysia, dumating sa Singapore noong Hulyo 21, at naglakbay patungong Indonesia noong Agosto 18.
Naunang naaresto sa Indonesia ang kapatid ni Guo, si Shiela, at business associate na si Cassandra Li Ong, at naipadala na pabalik sa Pilipinas.
Inamin ni Sheila sa isang pagdinig ng Senate Subcommittee on Justice and Human Rights na umalis siya ng bansa kasama si Alice sakay ng bangka.
Si Ong ay nakakulong sa House of Representatives habang si Guo ay nasa Senado.
Top of Form
Bottom of Form