ISANG dating broadcaster na isa ring aktibista ang pinagbabaril noong Lunes sa Bgy. Lagao, General Santos City.
Napatay si Jejhon Ali “Toti” Macalintal, isang dating radio anchor ng RPN-General Santos.
Nagsilbi si Macalintal bilang deputy secretary general ng human rights group na Karapatan sa General Santos City.
Ang 39-anyos na transwoman na miyembro ng LGBTQ+ community, ay binaril sa loob ng isang spa at acupuncture clinic na pag-aari niya sa Bgy. Lagao.
Ayon sa mga saksi, isang lalaking nakasuot ng hooded jacket at bull cap ang pumasok sa Delmond Parlor and Spa at saka malapitang pinagbabaril si Macalintal bago tumakas bandang alas-7 ng umaga noong Lunes.
Isinugod ng mga emergency responder ang biktima sa ospital kung saan idineklara itong dead on arrival.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang limang basyo ng bala para sa isang cal. .45 pistol.
Ang pagpatay kay Macalintal, isang vocal advocate para sa social justice at marginalized groups, ay mariing kinondena ng kanyang mga dating kasamahan sa media at ng mga komunidad ng aktibista.
Nanawagan ang grupo ng Human Rights na Karapatan para sa isang mabilis na imbestigasyon para mabigyan ng hustisya ang mga salarin.
Tinitingnan ng pulisya ang tunggalian sa negosyo o ang pagiging miyembro ng Malacalintal ng isang militanteng grupo bilang posibleng dahilan ng pag-atake.
