TATLONG pasahero ang sugatan nang tumaob ang motorbanca at bumangga sa pampasaherong barkong malapit sa Sta. Cruz Island, Zamboanga City, bandang alas-6 ng gabi ngayon, Abril 10, 2026.
Batay sa inisyal na ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), naglalayag ang MV SUG Adventure sa kalapit na karagatan nang makaranas ng aberya ng karburador ang isang motorbanca, na may sakay na tatlong pasahero.
Nawalang ito ng kontrol dahil sa biglaang pagbilis na humantong sa banggaan.
Dahil sa impact, tumaob ang motorbanca, at nahulog ang mga pasahero nito sa tubig.
Agad na rumesponde ang mga awtoridad at nailigtas ang lahat ng mga pasaherong nagtamo ng mga sugat.
Isinakay ng MV SUG Adventure ang tatlong sugatang pasahero mula sa motorbanca at dinala sila sa Port of Zamboanga.
Pagdating sa daungan bandang alas-6:25 ng gabi, tinulungan ng Coast Guard Station Zamboanga at ng mga tauhan ng Philippine Red Cross, kasama ang boarding team ng barko, ang paglilipat ng mga sugatang pasahero para sa medikal na paggamot.
