Oplus_16908288
PINALAYA na nitong Biyernes si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan mula sa kustodiya ng Philippine National Police (PNP), matapos bawiin ng Sandiganbayan ang commitment order laban sa kanya.
Ini-turn over ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group National Capital Region (CIDG NCR) si Bonoan sa kanyang pamilya bago siya umalis sa PNP General Hospital (PNPGH) sa Camp Crame dakong alas-10:35 ng umaga.
Ayon kay CIDG NCR chief Police Col. John Guiagui, natanggap nila noong Huwebes ng hapon ang kautusan ng Sandiganbayan Fifth Division sa pamamagitan ng email at agad itong pinatunayan at ipinasa sa korte kinabukasan.
Sinabi ni Guiagui na masaya si Bonoan sa kanyang paglaya, matapos ang ilang buwang hospital arrest dahil sa kanyang mga iniindang karamdaman.
Matatandaang noong Martes, pinagbigyan ng Sandiganbayan Fifth Division ang mosyon ng mga state prosecutor na alisin si Bonoan bilang akusado sa mga kasong graft at plunder.
Bahagi ito ng proseso upang maging state witness si Bonoan sa mga kasong may kaugnayan sa umano’y anomalya sa mga flood control project.
Kasama sa mga kasong ito si Senador Jinggoy Estrada at tatlong dating DPWH district engineers.
Hindi na humarap sa media si Bonoan matapos siyang palayain mula sa ospital.
Samantala, dakong 1:30 ng hapon, dumalo si Bonoan sa arraignment sa isa pa niyang graft case sa Sandiganbayan Second Division sa pamamagitan ng teleconference.
Nakipag-ugnayan din ang korte sa kanyang abogado para sa naturang proceedings. Nakapagpiyansa na si Bonoan ng P90,000 para sa kasong ito noong Mayo 29.
Sina Estrada, dating South Manila District Engineering Office chief Manny Bulusan, dating Quezon City 1st DEO chief Arturo Gonzales Jr., at dating North Manila DEO assistant chief Denryl Caesar Cortuna ay nahaharap sa alegasyon ng pagkuha ng tinatayang P573.75 milyon na kickback mula sa mga proyektong nakapaloob sa 2025 national budget.
