INAKUSAHAN ni dating Police Col. Eduardo Acierto si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte bilang “protektor” ng mga pinaghihinalaang drug lords na sina Michael Yang at Allan Lim, na kilala rin bilang Lin Weixiong.
Sa pagharap ni Acierto ngayong araw ng Huwebes sa Quad Committee pinatotohanan nito na si Yang na naging economic adviser at Lim ay “malapit na kaibigan” ng dating pangulo.
Noong 2017, nag-compile si Acierto at ang kanyang team ng intelligence report na nagdedetalye sa umano’y pagkakasangkot ni Yang, at ni Lim sa kalakalan ng iligal na droga.
“Sigurado po ako dahil sa mga nangyari sa aking mga tauhan, prinotektahan niya si Michael Yang at si Allan Lim,” sabi ni Acierto
Nang tanungin siya ni Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., co-chair of the Quad Comm at tagapangulo ng House Committee on Human Rights.
Ang tinutukoy ni Acierto ay ang kanyang mga tauhan na sina Police Capt. Lito Perote at MSgt. Gerry Liwanag.
Si Perote ay dinukot ng mga armadong lalaki na naka-bulletproof vests sa Bacolod City noong Abril 2019. Nananatili itong nawawala hanggang ngayon, at naniniwala si Acierto na maaaring siya ay napatay.
Samantala, si Liwanag ay binaril ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa San Jose del Monte City noong Pebrero 2021.
Sa kanyang intelligence report, sinabi ni Acierto na si Yang ay nag-operate ng mga drug laboratories sa Mindanao mula pa noong early 2000s, kabilang ang isang clandestine shabu manufacturing hub sa Dumoy, Davao City. Ang pasilidad na ito ay ni-raid ng mga awtoridad noong Disyembre 31, 2004, na nagbunga ng mahigit 100 kilo ng high-grade shabu na may street value na lampas sa P300 milyon.
Batay sa isang drug matrix na inihanda ng team ni Acierto, si Yang ay miyembro ng Johnson Chua drug syndicate na pinamumunuan ng isang Johnson Co, na nakabase sa mainland China.
Si Yang, alyas “Dragon” dahil sa tattoo sa likod, at si Lim umano ang in-charge sa pag-facilitate ng pagpasok ng ilegal na droga sa bansa sa tulong ng ilang opisyal sa Bureau of Customs.
Ayon kay Acierto, si Lim ang nasa likod ng clandestine laboratory, na sinalakay ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Cavite noong Hulyo 2018.
Narekober sa laboratoryo ang P10.4 bilyong halaga ng droga at kagamitan para sa paggawa ng iligal na droga.
Sinabi ni Acierto na naaresto si Lim sa operasyon ngunit kalaunan ay pinalaya dahil sa teknikalidad.
Nagbigay din aniya si Yang ng mga dokumento sa pagpapadala para sa pagpasok ng mga iligal na droga na narekober sa isang raid sa isang warehouse sa Cagayan de Oro noong 2005, na pinamamahalaan ng isang Allan Sy.
Sinabi ni Acierto na ang matrix ay kabilang sa mga ulat na isinumite niya kay Philippine National Police (PNP) chief, ngayon ay si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, dating PDEA Director Aaron Aquino, at Police Deputy Director General Camilo Cascolan. Ibinigay din niya ang ulat sa kahalili ni Dela Rosa na si dating PNP chief Oscar Albayalde.
Sa kasamaang palad, sinabi ni Acierto na hindi pinansin ang kanyang ulat.
“Wala silang ginawa, pinabayaan nila ang report,”sabi pa ni Acierto .
“Hanggang sa umabot na hindi ma-dispute ang report, ako at ang team ko ang siniraan,” .
Nagpahayag ng pagkadismaya si Acierto na hindi kailanman hinarap ni Dela Rosa ang kanyang ulat at sa halip ay nakipagkita kay Lim.
“I submitted the report to [noon-PNP chief] Dela Rosa, ‘di niya inaksyunan. Sa halip, si Allan Lim ang kinausap niya,” dagdag pa ni Acierto.
Sinabi ni Acierto na naramdaman niyang pinagtaksilan siya, pagkaraang magsumite ng ulat, inakusahan siya ni Duterte na sangkot sa iligal na droga.
Noong Oktubre 2018, pinangalanan ni Duterte sa publiko si Acierto bilang isa sa mga opisyal ng pulisya na umano’y nauugnay sa iligal na droga.
Kalaunan ay nadawit si Acierto sa pagpuslit ng P11 bilyong halaga ng droga na nakatago sa magnetic lifters, na natagpuan sa Manila International Container Port at sa isang warehouse sa Cavite noong 2018. Nagtago siya mula noong 2019.
Sa kanyang testimonya sa House Committee on Dangerous Drugs noong Hulyo, iginiit ni Acierto na nais ni dating Pangulong Duterte na patayin siya ng militar at pulisya dahil sa pagsisikap nitong imbestigahan sina Yang at Lim dahil sa umano’y kaugnayan nila sa illegal drug trade.
“Pinapapatay po ako ni Duterte dahil tinutukan ko at pinaiimbestigahan ko si Michael Yang at Allan Lim na malapit sa kaibigan ni Bong Go,” sabi pa ni Acierto at tinutukoy niya ay si former Special Assistant to the President, na ngayo’y Sen. Christopher “Bong” Go.