Puerto Princesa City – PORMAL na binuksan kahapon, April 29, 2025, ang “Kadiwa ng Pangulo Para sa Manggagawa” sa Atrium ng Gusaling Panlungsod ng Puerto Princesa City bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-123 Araw ng mga Manggagawa at magtagal ito hanggang Mayo 2, 2025.
Layunin ng proyektong ito na palawakin ang pamilihan para sa mga produkto ng maliliit na magsasaka at mga samahan na kanilang kinabibilangan at pagkilala na rin sa kanilang mahalagang ambag sa pag-unlad ng bansa.
Ang “Kadiwa ng Pangulo Para sa Manggagawa” ay nagpapakita ng kahalagahan ng pagsuporta sa ating mga lokal na ani upang mapalakas ang kabuhayan ng mga magsasaka.
Hinihikayat nito ang mga mamimili na itaguyod ang adbokasiyang “GO Lokal, BUY Lokal, EAT Lokal!”
Makakabili sa Kadiwa ng Pangulo ng mga de-kalidad, abot-kaya, at ligtas na produktong pagkain mula sa 25 asosasyon ng mga magsasaka sa lungsod ng Puerto Princesa.
