PINAGTIBAY ng mga matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang katapatan sa Saligang Batas at sa pamamahala ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. nang mag-courtesy call ang mga ito kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa House of Representative nitong Martes ng hapon.
Tiniyak ni AFP Deputy Chief of Staff Lt. Gen. Jimmy D. Larida kay Speaker Romualdez ang dedikasyon ng militar sa mandato nito sa konstitusyon. Aniya, “We commit to the Constitution and the duly-constituted authorities. We will watch your back” .
Idiniin ni Lt. Gen. Ferdinand Barandon, commander ng Armed Forces Intelligence Command, ang pangakong ito, habang binibigyang-diin niya ang propesyonalismo at suporta ng militar sa mga institusyon ng gobyerno.
“Ang Sandatahang Lakas ay mananatiling propesyonal, mission-focused, at patuloy na sumusuporta sa pamahalaan,” sabi ni Barandon.
Kabilang sa pagpupulong ang 17 bagong na-promote na mga heneral at senior flag officers at bilang suporta ng gobyerno sa militar ay ang pagdagdag ng pondo para sa kanilang mga programa.
Nangako naman si Speaker Romualdez ng buong suporta upang pagsisikapan ang modernisasyon ng AFP at muling pinagtibayin ang kanyang naunang panukala na magbigay ng daily subsistence allowance na ₱350 para sa mga sundalo. Ang inisyatiba at direktiba ni Pangulong Marcos na mapabuti ang buhay ng mga uniformed personnel .
Sinabi pa ni Romualdez , “Sa bersyon ng 2025 national budget ng Kongreso, naglaan tayo ng pondo para sa ₱350 daily subsistence allowance na ating isinulong alinsunod sa kautusan ni Pangulong Marcos upang matulungan ang ating mga sundalo,” ani Speaker Romualdez. “Kung susuportahan po ng Senado ang ating panukala at madagdagan pa ang pondo, mas maganda para sa kapakanan ng ating mga sundalo,”dagdag pa nito .
Nanawagan din ang pinuno ng 300-plus-strong legislative chamber para sa mabilis na pagpapatupad ng mga programa para palakasin ang moral ng mga sundalo, partikular ang mga nasa liblib at delikadong lugar.
Nagpapasalamat naman ang AFP kay Speaker Romualdez para sa kanyang pangako, na inilarawan ang kanyang mga pagtitiyak bilang mahalaga ang moral at muling pagtibayin ang kanilang katapatan sa Konstitusyon at sa gobyerno.
Kabilang sa mga dumalo sa pagpupulong sina Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe ng Zamboanga City, Deputy Speaker David “Jay-Jay” Suarez, at Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander A. Marcos.
Nangako silang susuportahan ang mga panukalang batas na magpapahusay sa pagpapatakbo ng militar at mga programa.