KINUMPIRMA ni Senador Raffy Tulfo nitong Martes na ang kanyang anak ang siyang nahuling ilegal na gumagamit ng EDSA busway.
Sinabi ng senador na pinagalitan niya ang kanyang anak na si Quezon City 2nd district Rep. Ralph Wendel Tulfo dahil sa paglabag sa traffic rules matapos mahuli ang kanyang convoy na gumagamit ng EDSA busway.
“Pinagalitan ko at nag-sorry siya sa akin. Ang sabi ko, ‘Mag-apologize ka sa lahat.’ And that’s it,” ayon sa senador sa isabf ambush interview
Sinabi ng senador na bahagi ng convoy ng kanyang anak ang nahuling SUV.
“Ang pagkakaalam ko nagmamadali siya. ‘Yung driver niya yata ang pumasok doon sa bus stop. At pinagalitan ko siya, pinagsabihan ko,” dagdag pa nito.
“In-admit naman niya. Hindi naman siya nagsisinungaling at nag-apologize siya. So ,wala akong nakikitang problema doon as long as hindi siya tumakas, hindi siya gumamit ng plakang 8, which karapatan niyang gumamit. Pero hindi siya gumamit. It just shows na hindi siya abusado,” sabi pa ng senador.
“Sa pagkakaalam ko, bayad na ang ticket, at nag-seminar ang driver. Ang magandang bagay tungkol dito ay hindi siya nagsinungaling; inamin niya agad, humingi ng tawad, at nagpakita ng kababaang-loob,” ani pa ni Sen. Tulfo .
Ang sasakyan ni Congressman Tulfo ay nahuli noong Enero 23, 2025, dahil sa pagpasok sa EDSA Carousel lane, na limitado sa mga bus, emergency vehicle, at piling matataas na opisyal.
Ang mga matataas na opisyal na pinapayagang gumamit ng busway lane ay ang Presidente, Bise Presidente, Senate President, House Speaker, at Punong Mahistrado ng Korte Suprema.
Awtorisado ring gamitin ang busway ang mga on-duty na ambulansya, fire truck, at mga sasakyan ng Philippine National Police.
Ang mga motoristang mahuling gumagamit ng EDSA busway ay nahaharap sa mga sumusunod na parusa:
Unang Pagkakasala: P5,000 na multa
Ikalawang Pagkakasala: P10,000 na multa, isang buwang suspensiyon ng lisensya sa pagmamaneho, at mandatory road safety seminar
Ikatlong Pagkakasala: P20,000 na multa at isang taong suspensiyon ng lisensya
Ikaapat na Pagkakasala: P30,000 na multa at isang rekomendasyon para sa pagbawi ng lisensya ng Land Transportation Office
