PABOR ang isang senador na papasukin ang dayuhang mamumuhunan sa bansa at magmay-ari ng mga technical-vocational school upang mapalawig ang access ng mga Pilipino sa dekalidad na skills training.
Ibinahagi ni Seantor Win Gatchalian ang kanyang opinyon aniya, “Sa aking opinyon, dapat buksan natin ang sektor ng tech-voc at imbitahan natin ang mga multinational companies. Inirereklamo ng ating mga paaralan na mahal ang equipment na kayang ibigay ng mga dayuhang kumpanya basta sila ang magpapatakbo ng institusyon, ngunit hanggang 40% lamang na pagmamay-ari,” sabi ni Gatchalian.
Lumabas sa pananaliksik ng Second Congressional Commission (EDCOM II) na sa ASEAN, Pilipinas lamang ang may konstitusyong may limitasyon sa pagmamay-ari ng mga dayuhan, pagpapatayo ng mga paaralan, at enrollment. Sa ibang mga bansa sa ASEAN, natutugunan ang mga isyung ito sa pamamagitan ng pagbabalangkas ng batas.
Binigyang diin din ni Gatchalian ang kahalagahan ng mga insentibo sa mga foreign education institutions na nais pumasok ng bansa. Halimbawa, maaaring magmula sa gobyerno ang lupang pagtatayuan ng mga pasilidad, ngunit kailangang tumanggap ang paaralan ng mga Pilipinong mag-aaral.
“Magiging tamang kombinasyon ito ng pagmamay-ari at insentibo. Kailangan nating mahanap ang tamang sangkap. Ang layunin ay dalhin ang mga dayuhang institusyon sa bansa at magbigay ng pagsasanay sa mga Pilipino. Mahalaga ito dahil dito natin napapaigting ang ating kaalaman patungo sa pagbuo ng isang ekonomiyang nakabatay sa inobasyon,” dagdag ni Gatchalian.
Nagbahagi din ang EDCOM II ng halimbawa ng mga insentibo na ibinibigay sa mga paaralan sa ASEAN na pagmamay-ari ng mga dayuhan. Sa Malaysia, halimbawa, may 100% income tax exemption sa mga international non-profit schools, habang 70% naman ang income tax relief ng mga pribadong paaralan. Sa Vietnam, exempted ang mga international schools sa pagbabayad ng corporate income tax sa loob ng apat na taon, habang babawasan ng 50% ang tax payable nila para sa susunod na limang taon.
Dagdag pa ni Gatchalian, kailangan pang magpasa ng Kongreso ng batas kung sakaling pahintulutan ng Saligang Batas ang foreign ownership sa mga paaralan. Aniya, mahalagang mabigyan ang Kongreso ng flexibility sa pagresponde sa mga magiging hamong may kinalaman sa liberalisasyon ng edukasyon.