MAHIGPIT na ipagbabawal ng Land Transportation Office (LTO) sa lahat ng motorista ang paggamit ng improvised at temporary plates simula Nobyembre 1, 2025.
Sinabi ni LTO chief, Assistant Secretary attorney Vigor D. Mendoza II na wala nang dahilan pa sa paggamit ng improvised o pansamantalang mga plaka dahil wala nang backlog na mga plaka para sa mga four-wheel na sasakyan at motorsiklo.
“Kaya sa hindi pa nakukuha ang kanilang mga plaka, ipinapayo namin sa kanila na gawin ito upang maiwasan ang anumang abala tungkol sa mahigpit na pagpapatupad ng patakarang ito. Samantalahin natin ang buong buwan ng Oktubre upang gawin ito,” sabi ni Mendoza.
Sinabi pa ni Mendoza na ang LTO enforcers at iba pang deputized personnel ay manghuhuli na sa mga lalabag sa Joint Administrative Order 2014-001 at iba pang umiiral na batas, tuntunin at regulasyon.
Ang mga parusa sa ilalim ng JAO 2014-001 ay P5,000 na multa at pagkumpiska ng mga pansamantala at improvised na plaka.
Idinagdag niya na ang mga improvised motor vehicle na may improvised o temporary plates ay hindi tatanggapin para sa renewal ng registration.
Gayunpaman, nilinaw ni Mendoza na ang paggamit ng mga improvised plate ay papayagan lamang kung may pahintulot na gamitin ang mga ito ay lalagdaan ng mga kinauukulang LTO offices na nagproseso ng duplicate plate request.
Ang improvised plate ay dapat maglaman ng nakatalagang plate number ng sasakyan na may mga salitang “Improvised Plate” sa ibaba nito.
Sinabi ni Mendoza na ang mahigpit na patakaran laban sa paggamit ng mga improvised at pansamantalang mga plaka ay pinalalakas ng agresibong pagsisikap na ipamahagi ang lahat ng mga plaka sa buong bansa sa lalong madaling panahon.
Aniya, ang patakaran ay susuportahan din ng umiiral na programa ng LTO na tiyakin na ang OR/CR at mga plaka ng lisensya ay dapat na available sa araw ng pagpapalabas ng mga bagong binili na motor vehicles.
