HINIMOK ni Senador Francis “Tol” Tolentino ang Land Transportation Office (LTO) na dapat umanong palakasin ang sistema nito para matugunan ang backlog na 12.9 milyong plaka ng sasakyan.
Sa deliberasyon ng Senate Bill no. 159 na nag-aamyenda sa Motorcycle Crime Prevention Act sa Senate Justice panel sa pangunguna ni Tolentino, aniya “Paano matutugunan at ano ang kakailanganin ng LTO para i-upgrade ang Sistema .
Sinabi ni LTO Chief Atty. Vigor Mendoza na nakatakdang tugunan ng ahensya ang naturang backlog sa loob ng 2.5 taon at sa kasalukuyang inuuna ng LTO ang mga bagong sasakyan na mabigyan ng mga plaka .
Ayon naman kay Sen. Tol na unahin ang mga mas lumang sasakyang de-motor na hindi pa nakakakuha ng mga plaka mula noong 2014.
Idinagdag naman ni Sen. JV Ejercito na sa halip na itulak ang dobleng plaka, dapat unahin ng LTO ang pagbibigay ng kahit isang plaka sa lahat ng mga sasakyang de-motor upang magkaroon ng sariling sapat na pagkakakilanlan ang bawat isa.
Samantala, binigyang-diin din ni Tolentino na dapat i-streamline ng LTO ang proseso nito sa pagdaragdag at pagbabago ng mga kaukulang impormasyon sa Radio Frequency Identification System (RFID) ng sasakyan upang matupad ang layunin ng panukalang batas na maiwasan ang krimen sa motorsiklo.
“Administratively hassle iyon na pupunta sa LTO, papalitan yung pangalan, yung laman noong RFID. Medyo masalimuot iyon pero if it can be done from a central office na kayo na lang ang mag-encode, pasok na doon, okay siguro iyon,” Sen ani ni Tolentino.
Ang panel ay bubuo ng isang technical working group para maayos ang SB 159.
