UPANG higit na maibsan ang kalagayan ng mga informal settler families (ISF), inaprubahan ng House of Representatives noong Miyerkules sa ikalawang pagbasa ang House Bill 9506, na naglalayong magtatag ng Rental Housing Subsidy Program para sa mga ISF.
Sa ilalim ng panukala, ang mga karapat-dapat na ISF ay makakatanggap ng flat rental subsidy rate na P3,500 para sa mga nakatira sa Metro Manila.
Tutukuyin ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at ng National Economic Development Authority (NEDA) ang rate para sa mga naninirahan sa lahat ng iba pang rehiyon, na isinasaalang-alang ang umiiral na minimum wage at rental rates bawat rehiyon.
Tanging ang mga ISF na tinukoy sa panukalang batas na umalis sa mga lugar na kanilang inookupahan at lumipat sa isang mas ligtas at awtorisadong lugar ng pamahalaan ang magiging karapat-dapat para sa subsidy.
Tinukoy ng panukalang batas ang ISF bilang “mga sambahayan na naninirahan sa isang lote, pribado man o pampubliko, nang walang pahintulot ng may-ari ng ari-arian; o ang mga walang legal na paghahabol sa ari-arian na kanilang inookupahan; o yaong mga naninirahan sa mga mapanganib na lugar gaya ng mga estero, riles ng tren, mga basurahan, tabing-ilog, dalampasigan, at mga daluyan ng tubig.”
Ipinasa rin sa ikalawang pagbasa ang HB 9034 o ang panukalang “Philippine Archipelagic Sea Lanes Act at HB 9430 o ang panukalang “Union Formation Act.”
Ang sesyon ng plenaryo ay pinangunahan ni Deputy Speaker Roberto Puno.
