TINIYAK ng Malacañang nitong Miyerkules na may nakalaang pondo sa panukalang 2027 National Expenditure Program (NEP) para mapalakas ang seguridad sa mga paaralan sa buong bansa.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, nangako si Education Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara na popondohan ang mga hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at iba pang nasa loob ng mga paaralan.
Sinabi ni Castro na batay sa Department of Budget and Management (DBM), maaaring gamitin ng mga paaralan ang pondong nakapaloob sa panukalang 2027 budget para sa kanilang mga pangangailangan sa seguridad bilang bahagi ng regular na operasyon.
“Maasahan na mayroong ilalaan na pondo para sa mas pinaigting na seguridad sa ating mga kabataan, lalung-lalo na sa mga eskuwelahan,” ani Castro.
Ipinaliwanag niya na para sa mga pampublikong paaralan, ang pondo para sa security services ay karaniwang nakapaloob sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) at iba pang regular na programa ng Department of Education (DepEd).
Hindi ito inilalagay bilang isang hiwalay na budget item na partikular na nakalaan para sa “school security.”
Naging malaking usapin ang seguridad sa mga paaralan kasunod ng mga insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City noong Hunyo at sa Ateneo de Zamboanga University sa Zamboanga City, kung saan nasawi ang mga junior high school student.
Kasunod ng mga insidente, pinaigting ng DepEd ang mga safety protocol sa mga paaralan alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Nagsagawa rin ang ahensya ng nationwide safety drills upang matiyak na mas handa ang mga paaralan sa iba’t ibang emergency at banta sa seguridad.
