Nakapagtala ng katamtamang pagsabog (moderately explosive eruption) ang Bulkang Mayon nitong Biyernes, Oktubre 30, na nagbuga ng abo na umabot sa taas na 3,000 metro mula sa bulkan.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs),
nagsimula ang pagsabog dakong alas-11:53 ng umaga at natapos alas-11:59 ng umaga, na tumagal nang halos anim na minuto.
Ayon sa Phivolcs, unang namataan ang abo na umabot sa 3,000 metro mula sa bunganga ng bulkan at tinangay ng hangin patungong kanluran-timog-kanluran.
Sa hiwalay na abiso, nagbabala ang ahensya na posibleng makaranas ng ashfall o pag-ulan ng abo sa Daraga, Guinobatan at mga karatig-bayan sa lalawigan ng Albay.
Kasunod ng pagsabog, itinaas din sa Alert Level 3 ang Mayon Volcano, na nangangahulugang tumataas ang posibilidad ng isang mapanganib na pagsabog.
Ayon sa Phivolcs, pumasok na ang bulkan sa panibagong yugto ng magmatic eruption, na nagpapataas sa posibilidad ng pagdaloy ng lava at mapanganib na pyroclastic density currents (PDCs) o uson sa itaas at gitnang bahagi ng dalisdis nito sa mga susunod na araw hanggang linggo.
Dahil dito, inirekomenda ng ahensya ang agarang paglikas ng mga residente sa loob ng anim na kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) dahil sa banta ng uson, pagdaloy ng lava, pagguho ng mga bato at iba pang panganib na dulot ng pagsabog.
Pinayuhan din ang publiko na manatiling mapagmatyag laban sa posibleng lahar o pagragasa ng putik at mga sediment na maaaring dumaloy sa mga ilog at sapa na nagmumula sa bulkan.
“Batay sa kasalukuyang direksiyon ng hangin, mas posibleng makaranas ng ashfall sa katimugang bahagi ng bulkan,” ayon sa Phivolcs.
Tiniyak din ng ahensya na patuloy nitong mahigpit na minomonitor ang kalagayan ng Bulkang Mayon at agad na ipaaabot sa mga kinauukulan ang anumang bagong kaganapan.
Samantala, wala pang inilalabas na Notice to Airmen (NOTAM) ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) kaugnay ng mga sasakyang panghimpapawid na lumilipad malapit sa bulkan.
