KINUWESTYON ni Sen. Idol Raffy Tulfo ang Bureau of Immigration (BI) dahil bigo itong kasuhan ang mga empleyado ng civil registrar’s office at Philippine Statistics Authority (PSA) na kasabwat ng mga banyagang namemeke ng Philippine documents gaya ng mga pasaporte at birth certificate.
Ito ang naging sentro ng pahayag ni Tulfo, bilang Chairperson ng Senate Committee on Public Services, sa isinagawang pagdinig ng Senado noong Aug. 27 ukol sa pagtakas ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo at mga kamag-anak nito. Present sa nasabing hearing and kapatid ni Alice na si Sheila Guo.
Binigyang-diin ni Tulfo na bukod sa mga miyembro ng pamilya Guo, sandamakmak pa rin ang nahaharang na banyaga partikular na ang illegal Chinese immigrants dahil sa talamak na paggamit ng mga ito ng pekeng dokumento.
Gayundin, ipinunto ni Tulfo na sa mga nakaraang pagdinig ay lubos na napatunayang nameke ng mga dokumento sina Alice, Sheila at Wesley Guo para magkunwaring sila ay Filipino citizens. Noong 2023, 17 Chinese nationals din ang nasakote ng BI na gumamit ng Philippine passports papasok at palabas ng bansa.
“Maliwanag ngayon na may klarong banta sa ating pambansang seguridad. Ilan pang Alice Guo ang mayroon sa ating bansa na humahawak ng mga sensitibo at mahahalagang posisyon sa pribado o pampublikong sektor?” tanong ng senador.
“May nakasuhan o na-convict na ba na mga taga-PSA at local civil registrar’s offices? Antagal nang pinag-uusapan nito and yet wala pang nakakasuhan at naco-convict,” dagdag ni Tulfo.
Kaya naman mahigpit na inatasan ni Tulfo ang BI na ipagpatuloy lang ang paghuli at siguraduhin na may isinasagawang imbestigasyon para makasuhan agad ang mga indibidwal na kasabwat ng mga ito lalo na sa loob ng PSA at local civil registrar’s offices.
