UMABOT na sa lima ang naitala ng Department of Health (DOH) nitong Miyerkules ang aktibong kaso ng mpox sa Pilipinas matapos madagdagan ng dalawa pang pasyente sa listahan.
Ayon sa DOH, isa sa mga kaso ay natukoy sa Metro Manila at ang isa naman ay sa Calabarzon.
Ang dalawang bagong pasyente ay isang 26-taong-gulang na babae mula sa Metro Manila at isang 12-taong-gulang na lalaki sa Calabarzon.
Pareho silang may milder Clade 2 variant at hindi ang nakamamatay na strain na nagdudulot ng global alarm.
Ang sintomas ng babae ay nagsimula noong Agosto 20, na may mga pantal sa kanyang mukha at likod na may kasamang lagnat.
Ayon sa Department of Health, noong Agosto 23, iniulat ng babae ang karagdagang pantal sa kanyang pubic area, mga braso, at katawan. Nakaranas din siya ng sore throat at pamamaga ng lymph nodes sa kanyang leeg.
Ngayon ay naka home isolation na ito.
Samantala, ang 12-taong-gulang na bata mula sa Calabarzon ay unang nakaranas ng lagnat noong Agosto 10. Nakaranas din siya ng pantal sa mukha, mga binti, katawan at pubic area na kumalat sa iba pang bahagi ng katawan. Nagkaroon din siya ng ubo at pamamaga ng lymph nodes sa groin area.
Ang dalawang pasyente ay hindi naglakbay tatlong linggo bago nagsimula ang mga sintomas.
Ayon sa DOH, ang dalawang bagong pasyente ay nagpapagaling sa bahay at binabantayan ng mga lokal na awtoridad sa kalusugan.
Mayroong 14 na kaso ng mpox sa bansa mula noong Hulyo 2022, siyam sa mga ito ang ganap nang gumaling mula noong 2023.
Limang pasyente ng mpox ang naghihintay na mawala ang kanilang mga sintomas.
Sinabi ng Department of Health na kahit sino ay maaaring magkaroon ng mpox. Maaaring maipasa ang mpox sa tao sa pamamagitan ng malapit, intimate na kontak sa isang taong may impeksyon, sa pamamagitan ng kontaminadong tulad ng mga damit o mga kagamitan, o sa mga nahawaang hayop.
Pinaalalahanan ng DOH ang publiko na gumamit lamang sabon at tubig na siyang maaaring makapatay sa virus.
