Naglabas ng 90-araw na preventive suspension ang Sandiganbayan Third Division nitong Martes laban kay dating House Speaker Martin Romualdez kaugnay ng kasong plunder na nag-ugat sa umano’y kickbacks sa mga flood control projects.
Inilabas ng korte ang kautusan sa pamamagitan ng isang promulgated resolution.
Inatasan ng resolusyon si Romualdez na itigil at huwag munang gampanan ang mga tungkulin sa kanyang tanggapan o sa anumang iba pang posisyon partikular ang pagiging kongresista nito sa unang distrito ng Leyte.
Ayon kay Atty. Dennis Pulma, clerk of court ng Third Division, inatasan din ng korte na magpadala ng kopya ng resolusyon sa tanggapan ng Speaker sa House of Representatives sa pamamagitan ng Office of the Secretary General.
Hiniling din ng korte sa nasabing tanggapan na ipaalam sa loob ng limang araw mula sa pagtanggap ng resolusyon ang anumang hakbang o aksiyong ginawa kaugnay ng kautusan.
