
TIMBOG ang isang suspek na nagnanakaw sa mga pasilidad at pamamahagi ng kuryente sa pinaigting na operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Laguna
Tinukoy i ni CIDG Director PMGen Nicolas D. Torre III na inaresto si alyas “John,”na isang contractor.
Nahuli si “John” sa akto ng pagbebenta at pangangalakal ng tatlong metro ng kuryente ng Manila Electric Company (Meralco) nang walang pahintulot.
Sinabi ni Torre na ang mga operatiba ng CIDG Regional Field Unit 4A, kasama ang CIDG Laguna Provincial Field Unit ay nagsagawa ng entrapment operation laban sa suspek sa Calamba City, Laguna.
Inilunsad ang pagdakip bunsod ng mga ulat ng umano’y pagnanakaw ng kuryente at pagnanakaw ng linya ng transmission ng kuryente at mga materyales sa lungsod.
Bilang isang field man, ikinokonekta ni “John” ang mga naputol na linya ng kuryente ng mga consumers .
Ayon pa sa mga awtoridad naging modus ng suspek na mag-alok ng metro ng kuryente sa halagang P15,000 at mangolekta ng P1,000.00 flat rate buwan-buwan. Hindi na babayaran ng mga customer ang metro at buwanang singil sa kuryente sa Meralco.
Binigyang-diin ni Torre na ang Republic Act 7832 na kilala rin bilang “Anti-Electricity and Electric Transmission Lines/Materials Pilferage Act of 1994” ay naisabatas upang masugpo ang talamak na pagnanakaw ng kuryente at pagtamper sa mga electrical infrastructure sa Pilipinas.
Ipinatupad ito bilang tugon sa lumalaking pag-aalala sa pagnanakaw ng kuryente, na negatibong nakakaapekto sa sektor ng kuryente sa buong bansa.
Kinikilala ng batas na ang pagnanakaw ay humahantong sa malaking pagkalugi ng kita para sa mga kumpanya ng kuryente, pagtaas ng mga rate ng kuryente para sa mga legal na consumers , at mga pinsala sa imprastraktura ng kuryente, at sa gayon ay nagbabanta sa kaligtasan ng publiko.
Ang naarestong suspek ay kinasuhan sa harap ng National Prosecution Service ng qualified theft at paglabag sa Sec. 3, talata (a) sub- talata (4) kaugnay ng Sec. 4 paragraph (b) ng RA 7832 para sa pagnanakaw ng electric power transmission lines at materyales.
“Hinihikayat namin ang publiko na iulat ang anumang mga aktibidad sa pagnanakaw ng kuryente, kabilang ang iligal na pagbebenta ng metro ng kuryente, mga linya ng paghahatid ng kuryente at materyales, at gagawin ng CIDG ang iba pa,” sabi ni Torre.