NAGSAMPA ng kasong kriminal ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa dinismiss na mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo at mga miyembro ng kanyang pamilya dahil sa palsipikasyon at paglabag sa anti-dummy laws ng bansa.
Ang mga kaso ay may kaugnayan sa pagkuha ng ari-arian at pagtatatag ng mga negosyo ng mga Guo sa Marilao, Bulacan.
Ang mga kaso ay inihain sa Malolos, Bulacan Prosecutor’s Office ng NBI-Bulacan South District Office (BUSDO) ng 30 counts ng Simulation of Minimum Capital Stock (sa ilalim ng Section 2 ng Commonwealth Act No. 108 o ang Anti-Dummy Law); 4counts ng falsification ng public documents para sa negosyo, occupancy, at building permit.
Ang mga kaso ay isinampa laban kina Guo o Guo Hua Ping, Mire Zhang o Shiela Leal Guo at Mier Zhang, Seimen Guo at Lin Wen Yi.
Ayon sa NBI, si Guo at iba pang miyembro ng pamilya ay incorporator ng ilang kumpanya, kabilang ang QJJ Group of Companies Inc.; QSeed Genetics Inc.; QJJ Meat Shop Inc.; QJJ Slaughter House Inc.; QJJ Smelting Plant Inc.; at QJJ Embroidery Center Inc., na may parehong principal address sa Maligaya St., Bgy. Patubig, Marilao, Bulacan.
Sinabi ng NBI na ang ari-arian ay binili ni Alice Guo noong Oktubre 5, 2010 sa halagang P2 milyon at may sukat na 4,636 metro kuwadrado.
Lumalabas pa sa imbestigasyon ng NBI-BUSDO na nagdeklara sina Alice, Shiela, at Siemen bilang mga Pilipino sa Articles of Incorporation ng mga nabanggit na kumpanya, na may hawak ng major shares.
Bukod dito, sina Guo Jian Zhong at Lin Wen Yi, mga diumano’y magulang ni Guo, ay mga co-incorporator sa nasabing mga kumpanya.
Kasalukuyang nakakulong si Guo sa Pasig City Jail sa magkakahiwalay na kaso, kabilang ang money laundering, qualified human trafficking, graft, obstruction of justice, falsification, at perjury.
