NAKATAKDANG ipatupad ang mas pag hihigpit ng pamahalaan sa mga banyagang employer bago pa man pahintulutan lumipad sa bansang Kuwait ang mga Pilipino para magtrabaho.
Sa isang panayam sa radyo, hayagang inamin ni Undersecretary Hans Leo Cacdac ng Department of Migrant Workers (DMW) na may mahaba na ang talaan ng mga reklamong idinulog sa kanilang departamento mula sa mga inabusong Pilipino sa Kuwait.
Aniya, alipin ang trato ng mga amo sa mga Pilipino, partikular sa hanay ng mga kasambahay. Ito rin aniya ang nagtulak sa kagawaran para maghigpit sa deployment ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) patungo sa nasabing bansa sa gitnang-silangang Asya.
Gayunpaman, nilinaw ng opisyal na mayroon pa rin naman mga Pilipinong nasa magandang estado at naninilbihan sa mga matitinong amo.
“Marami namang mga worker na maganda ang ugnayan sa kanilang employer in fairness. However, mayroong mga ganyang klaseng employer kaya’t ang isang ipinag-uutos ni Sec. (Susan ‘Toots’) Ople eh siguruhin na mga employers, hindi lang employers, pati recruiters sa Philippine side at Kuwaiti side na may malinis na track record lamang ang makakapag-hire at makakapag-deploy ng workers. Iyan ang isang bagay na sisiguruhin po natin,” sambit ni Cacdac.
Bilang tugon sa kalagayan ng mga Pinoy sa Kuwait, kung saan pinaslang kamakailan ang 35-anyos na si Jullebee Ranara, agad na tumungo ang ilang opisyal ng DMW sa naturang bansa para personal na alamin ang kalagayan ng mga Pinoy na nasa pangangalaga isang “shelter” matapos tumakas sa kani-kanilang amo.
“Kaya nga nandun kami ni Administrator Arnell (Ignacio), pinapunta kami ni Sec. Toots last January kasi nga tumataas ang bilang ng mga sumasaklolo sa shelter. ‘Yong mga nadatnan naming doon, hindi naman sila nasaktan pero sila ay may dinudulog na mga problema with their employers.”
“Nakikita natin na dumami sila kaya nagpunta kami doon kaya alarma na rin siguro ito para makipag-usap sa Kuwaiti side at hanggat hindi natin nakikita ang reporma, significant reforms ay deferment muna ng deployment ng new applicants,” pagtatapos ni Cacdac.